MGCQ TARGET NGAYONG SETYEMBRE

Delfin Lorenzana

TARGET ng National Task Force Against COVID-19 (NTF COVID-19) na mailagay sa modifi ed general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila bago matapos itong buwan ng Setyembre.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya ring chairman ng National Task Force Against COVID-19 sa ginanap pakikipagpulong sa Coordinated Ope­rations to Defeat Epidemic (CODE) team sa lungsod ng Caloocan na layunin ng pamahalaan na mapababa ngayon buwan ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Kalakhang Maynila.

“Ang ating layunin sa buwan na ito ay mag-flatten tayo o hindi kaya mas maganda kung maibaba natin iyong ‘curve’ para si­guro pagkatapos ng buwan ng Setyembre ay makapunta na tayo sa MGCQ at medyo maluwag luwag ang buhay ng mga tao,” paha­yag ni Lorenzana.

Aniya, nakasalalay sa kamay ng mga local government unit (LGU) partikular ang mga barangay ang pagpapatupad sa itinakdang  quarantine at  bio-safety protocols.

“Ang mga frontliner natin ay ang ating mga barangay official na nagpapatupad ng quarantine protocols, pagsusuot ng face masks, social distancing, sanitation, at iyong mga dapat nating gawin,”ani Lorenzana.

Gayunpaman, tiniyak ni Lorenzana   na ang CODE teams na binuo ng Inter-Agency Task Force at ng pribadong sektor ay available para sa paglaban sa virus.

Sa ilalim ng CODE strategy, ang sinumang makikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay isasailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test o swab test.

Habang ang mga indibidwal namang na-expose sa mga nagpakita ng sintomas ay isasailalim sa isolation. VERLIN RUIZ

Comments are closed.