MIAA GAGAMIT NG RECOGNITION CAMERA AT BARCODE SA NAIA

GAGAMIT ng facial recognition camera at barcode ang Manila International Airport Authority (MIAA) upang madaling masawata ang mga pasaherong gumagamit ng pekeng access pass papasok sa boarding gates ng mga paliparan.

Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, ito ay matapos ma-intercept ng kanyang mga tauhan ang sunod-sunod human trafficking incident gamit ang mga pekeng ID, immigration stamps at access pass.

Kasabay nito, nag-isyu si Chiong ng direktiba na magsagawa ng masusing imbestigasyon ang kanyang mga tauhan kaugnay sa nasabing insidente upang mapanagot ang mga nasa likod nito.

Batay sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, hinihinalang may sabwatan naganap sa ilang empleyado ng Bureau of Immigration, ilang empleyado ng MIAA at mga security guard na nakatalaga sa ibat-ibang gate papasok ng airport.

Samantala, kinondena ng ilang pasahero ang pamunuan ng BI dahil sa pagka-inutil nito na matigil ang talamak na corruption sa NAIA magmula pa noong nakaraang administrasyon.

Anila, hangga’t nakakapit sa puwesto ang mga tiwaling empleyado ng BI, MIAA employee at mga security guard hindi matitigil ang modus operandi ng sindikato sa mga paliparan sa bansa.

Sa kasalukuyang hindi pa rin matukoy ng MIAA at BI ang kanilang mga tauhan na sangkot sa corruption sa NAIA. FROILAN MORALLOS