NAKAHANDA ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pagdagsa ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magsisiuwi sa kanilang mga probinsiya sa darating na Undas.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, dapat maglaan ng tatlong oras ang bawat pasahero na palabas ng bansa bago ang kanilang mga flight schedule upang maiwasang magkaroon ng problema o kaya mahuli sa kanilang paglipad.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na rin si Monreal sa mga tauhan ng Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific (CEB) at sa iba pang local carriers na nag-ooperate sa mga paliparan na magdagdag ng kanilang mga tauhan bilang paghahanda sa inasahang malaking bilang ng pasahero sa mga airport.
Gayundin, ipinagbigay-alam din ni Monreal na kailangang maglaan din ng dalawang oras ang mga pasahero sa mga domestic flight bago ang kanilang mga flight schedule upang hindi maabala.
Inabisuhan din ng pamunuan ng MIAA ang mga pasahero na tingnan ang kanilang flight status sa mga terminal bago magpunta sa airport partikular na sa PAL website at iba pang airlines sa Arrival at Departure Information sa terminal 2.
Ang mga PAL passengers ay maaring mag-check in via web, mobile, o kaya sa airport kiosks para makaiwas sa mahabang pila sa mga departure area ng paliparan. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.