DAHIL panahon na ng Kapaskuhan ay muling nagpaalala ang Manila International Airport Authority (MIAA) at ang Office of Transportation and Security (OTS) sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga paalala ng MIAA sa mga pasahero na idaan sa X-ray scanning machines ang mga dalang cellphone at laptop, hubarin ang sapatos bago pumasok sa final security checkpoint ng airport.
Pinagbabawal din ng MIAA na magdala ng matatalas na metal ang mga pasahero.
Hinihiling pa ng dalawang ahensiya na huwag maglalagay sa kanilang handcarry bag ng liquid, aerosol, at pabango na lalagpas sa 100 ml upang makaiwas sa abala.
Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na ang mga paalalang ito ay antisipasyon sa pagdagsa ng mga pasahero katulad ng mga magbabakasyon na overseas Filipino workers, at mga balikbayan na manggagaling sa iba’t ibang bansa at mga dayuhan na nais magselebra ng Pasko sa bansa.
Inaasahan din ang volume ng mga pasahero na nais magbakasyon sa ibang bansa lalo na sa buwan ng Enero.
“Makipag-cooperate sana ang lahat sa airport safety at security procedures, para makaiwas sa abala,” dagdag ni Monreal. FROI MORALLOS
Comments are closed.