NAKAALERTO ang Bureau of Quarantine (BOQ) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa napaulat na outbreak ng deadly mpox variant sa bansang Democratic Republic of Congo.
Bilang paghahanda iminungkahi ni MIAA General Manager Eric Ines na isama sa electronic travel form ang pag-fill up ng mga pasahero ng kanilang destinasyon at country of origin bago ang arrival at departure.
Kasabay nito magtatalaga ang MIAA at BOQ ng ambulansiya na gagamitan sa paghahatid ng mga pasahero sa ospital sakaling makikitaan ng sintomas ng mpox upang maiwasang makahawa.
Ang e-travel form ay isang online document na makikita sa website sa NAIA.
Hinihiling ng mga tauhan ng Bureau of Quarantine na sagutin ang katanungan sa e-travel form, upang malaman kung saan galing o saang bansa pupunta.
Kabilang sa mga sintomas ng mpox ay lagnat, muscle pain, back pain, pananakit ng ulo, panghihina at swollen lymph.
Ayon sa World Health Organization (WHO) ang sakit na ito ay madaling makahawa, at iniulat na daang-daan residente sa Democratic Republic of Congo ang namatay.
Sinasabing nakapasok na rin ito sa Burundi, Kenya, Rwanda, Uganda at sa Sweden.
Ayon naman sa report ng Department of Health (DOH), ang 14 na biktima ng mpox sa Pilipinas na kanilang nadiskibre noong taon 2022 ay hindi kasing deadly sa outbreak sa Africa.
FROILAN MORALLOS