MICROGRID SYSTEMS ACT

NAKADIDISMAYANG malaman na marami pa raw palang bahay sa buong bansa ang walang kuryente.

Kumbaga, napag-iiwanan na sila ng panahon.

Kawawang taumbayan.

Sila ‘yung mamamayan na hindi makagamit ng ilaw at iba pang kasangkapang de-kuryente dahil wala pa ngang dumadaloy na elektrisidad sa kanilang tahanan.

Maaaring kakamatayan na lamang ang pangarap na magkaroon ng kuryente.

Ang mga matatanda sa mga liblib o mahihirap na lugar, aba’y lalong lumalabo ang mga mata sa gabi dahil wala ngang bumbilyang nagpapaliwanag sa kanilang kubo.

Patuloy silang nabubuhay sa dilim kung gabi.

Para silang napagkakaitan ng mga pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay.

Kung hindi ako nagkakamali, milyon-milyon pang bahay sa buong bansa ang wala pa talagang kuryente.

Siyempre, karamihan sa kanila ay ang mga nakatira sa rural areas.

May magandang balita naman daw para sa mga kababayan nating hindi pa naseserbisyuhan ng kuryente.

Naging ganap na batas na kasi ang panukalang nagsusulong ng paggamit ng microgrid systems para sa total electrification ng mga tinatawag na ‘unserved’ at ‘underserved areas’.

Ang Republic Act (RA) 11646 o ang “Microgrid Systems Act” na consolidation o ang pinagsamang Senate Bill 1928 at House Bill 8203 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Enero 21.

Layon ng RA 11646 na magkaroon ng pangmatagalang rural development at poverty reduction patungo sa pagpapanday ng maunlad na bansa sa pamamagitan nang pagbibigay ng energy access para sa lahat.

Sa pamamagitan daw ng batas na ito, maitutulak ang mabilis na total electrification at matiyak ang de-kalidad, maaasahan, at maayos na electricity service sa murang halaga sa mga mahihirap na lugar.

Ang tinatawag ‘unserved areas’ ay ang mga walang ‘electricity access’ habang ang ‘underserved areas’ ay ang mga lugar na may mababa o kapos ang suplay ng kuryente.

Ang Department of Energy, sa pakikipagtulungan ng iba pang mga kinauukulang ahensya at electric power industry stakeholders, ay bubuo at maglalabas ng ‘implementing rules and regulations’ ng bagong batas.

Ang RA 11646 ay magiging epektibo sa loob ng 15 araw mula sa pagkakalathala nito sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general publication.

Ayon kay Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, magbebenepisyo sa bagong batas ang maraming lugar sa ating kapuluan na walang elektrisidad.

Target daw kasi ng Pangulo na maabot ang 100 percent household electrification rate sa lalong madaling panahon.

Sa ilalim ng batas, magbibigay ang minigrid support programs (MGSPs) ng integrated power generation at distribution services sa mga ‘unserved’ o ‘underserved area’ sa loob ng panahon na nakasaad sa service contract.

Ang MGSPs ay hindi itinuturing na public utility kaya’t hindi raw ito obligadong kumuha ng prangkisa sa Kongreso.

Ang kailangan lang nilang gawin ay kumuha ng ‘Authority to Operate’ mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) bago ang kanilang operasyon.

Ang mga kooperatiba, local government unit (LGU), non-governmental organization, private corporation, power generation company, at distribution utility na nakasusunod sa technical, financial at iba pang mahahalagang requirements ay maikokonsidera raw bilang MGSP.

Natatandaan ko pa na noong Disyembre 9 ay nilagdaan naman ni Pangulong Duterte ang Executive Order 156 para sa total electrification sa buong bansa.
Sa wakas daw ay magkakaroon ng “consistent and reliable electricity service” sa mga barangay.
Pinatutukoy sa Department of Energy (DOE) ang mga lugar sa bansa na hindi naseserbisyuhan ng episyenteng kuryente.

Nawa’y maisakatuparan nga ito at hindi kapitan ng amag ang batas.

Mahalaga ang tamang implementasyon at sana ay magawa nga ito.

Noon pang 1986 bago sumampa sa kapangyarihan si dating Pangulong Corazon Aquino ay ipinangako na ang electrification sa buong bansa.

Mahigit tatlong dekada na ang lumipas at wala namang nangyari.

Nakapanlulumong isipin na habang maraming pinuno ang nadaragdagan ang yaman taon-taon, patuloy namang nabubuhay sa dilim ang maraming Pilipino dahil walang kuryente.

Kaya napag-iiwanan na talaga tayo ng mga katabing bansa.

Harinawa’y ang bagong batas na nilagdaan ng Pangulo ang magpapaliwanag at magbibigay- sigla sa madidilim na barangay o nayon sa buong kapuluan.