MIDDLEMAN SA PAGTUMBA KAY LAPID, SADYANG PINATAY SA OBLO

IKINAGALAK ng pamilya ng pinaslang na hard hitting radio broadcaster Percival “Percy Lapid” Mabasa ang inilabas na resulta ng isinagawang second autopsy ni Forensic Pathologist expert Dr. Raquel Fortun sa bangkay ng sinasabing middleman sa Lapid slay case na sadyang pinatay si Cristito “Jun” Villamor.

Ayon kay Atty. Berteni “Toto” Cataluña Causing, malaking tulong ito sa kaso ng pinaslang na radio broadcaster at posibleng pagtukoy sa mastermind ng krimen.

Lumilitaw na totoong sadyang pinatay sa loob kulungan ang sinasabing middleman at lumalabas din na totoo ang sinasabi ni Joel Escorial, ang sumukong gunman na bumaril kay Lapid, na may middleman at sa loob mismo ng Bilibid Prison nagmula ang kanilang broker, ani Atty Causing, tumatayong tagapagsalita ng pamilya Mabasa.

“Ebidensiya ang hinahanap natin na doon sa loob (Bilibid) nanggaling ang utos (na patayin si Lapid) na totoong may middleman at talagang pinatay ito,” paliwanag pa ng abogado.

“Ngayon hindi lang isang murder case ito, double murder na. At kung talagang may middleman na nasa loob, at totoong sadyang pinapatay ito ibig sabihin mayroong nag-utos at mayroon ding nasa itaas pa nito,” dagdag pa ni Atty Causing.

Magugunitang inihayag ni Dr. Fortun na isang kaso ng homicide ang pagkamatay ni Jun Villamor base sa kanyang isinagawang medico legal examination sa bangkay nito

Nakitaan umano ng history ng asphyxia na posibleng mula sa “plastic bag suffocation” ang nasawing New Bilibid Prison (NBP) inmate na si Cristito “Jun” Villamor na umano’y middleman sa kasong pagpaslang kay Percy Lapid.

Base sa isinagawang pangalawang autopsy ni Dr. Fortun, kabilang sa kanyang findings ay ang “plastic bag suffocation” o ang paggamit ng plastic bag sa ulo na naging dahilan para hindi makahinga ang naturang inmate.

“The autopsy findings showed no gross morphologic cause of death and this is consistent with the reported asphyxia,” ani Dr. Fortun sa kanyang reports. “Based on available information regarding the circumstances surrounding death, the manner is homicide.”

Magugunitang humiling ng panibagong independent autopsy ang pamilya Mabasa sa bangkay ni Percy nang makulangan sila sa inilabas na unang autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na may heart hemorrhage umano kaya nasawi si Villamor at walang palatandaan ng anumang physical injuries sa kanyang katawan. VERLIN RUIZ