MIDWIFE ARESTADO SA P25-K BABY FOR SALE

ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng rehistradong kumadrona o midwife na responsable umano sa pagbebenta online ng sanggol na nagkakahalaga umano ng P25,000 sa Muntinlupa City.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nakatanggap ng impormasyon mula sa Department of Justice – Inter-Agency Council Against Trafficking – NBI Cyber Tip Center (DOJ-IACAT-NBI Cybertip) hinggil sa isang Christina Paule na umanoy sangkot sa pagbebenta ng baby sa Facebook.

Sinabi ni Santaigo na matapos maberipika at makumpirma ng mga operatiba ng HTRAD ang impormasyon na ibinibenta ni Paule ang bagong panganak na sanggol online sa halagang P25,000, agad na nagkasa ng entrapment operation ang joint operatives para sa rescue operation ng 6 na araw na gulang na sanggol.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Child Trafficking o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Anti-Trafficking in Persons Act of 1998.

Itinurn-over na sa DSWD-NCR ang nasagip na sanggol upang mabigyan ng maayos na pangangalaga.
PAUL ROLDAN