MIGHTY SPORTS BINOMBA ANG SYRIA

MIGHTY SPORTS TEAM

NAGPAKITANG-GILAS si  Andray Blatche upang pa­ngunahan ang Mighty Sports sa 77-72 panalo laban sa Al Ittihad ng Syria sa 2020 Dubai International Basketball Championship sa Shabab Al Ahli Club.

Giniba ni 6-foot-10 Blatche ang lahat ng depensang inilatag sa kanya at nagpasabog ng 28 points sa im-presibong 10-of-17 shooting mula sa field, 11 rebounds, 2 assists, at isang block habang kinuha ng Mighty Sports ang ikalawang sunod na panalo at ang maagang liderato sa  Group B sa 11-club tournament.

Ang dating reinforcement ng Gilas Pilipinas ay pinakamatikas sa second quarter kung saan pinangunahan niya ang decisive breakaway ng Mighty, at na-outscore ang kanilang katunggali, 23-9, para sa 42-32 halftime advantage.

Bagama’t kontrolado ng Mighty ang laro magmula rito, kinailangan ng Mighty ng malaking tres mula kay Blatche upang tuluyang makalayo sa Syrian club na nagbanta sa 74-70.

Nakahinga nang maluwag sina team owner Alex Wongchuking at coach Charles Tiu sa pagkakataong ito at kanilang sinabi na mas maganda ang inilaro ng kanilang tropa kaysa sa kanilang opening game kung saan kinailangan itong kumayod nang husto laban sa host United Arab Emirates bago naitakas ang 88-82 panalo noong Huwebes.

“Happy about the win. Much better performance for us,” ani Tiu. “It’s like our second official game only, we have to take it a notch higher though.”

“Good thing, Dray made his shots this time. The last one was huge,” sabi naman ni  Wongchuking. “I hope our local players, will again take the spotlight the next time.”

Ang Mighty Sports ay may dalawang araw na pahinga bago sagupain ang ES Rades sa Lunes, alas-11 ng gabi.

Mighty Sports (77) – Blatche 28, Balkman 15, Moore 9, Malonzo 6, Go 5, Ildefonso 5, Kendrick 4, Belga 3, Ravena 2, Williams 0, Ju. Gomez de Liano 0.

Al Ittihad (72) – Coleman 30, Merjaneh 9, Saddir 8, Cheikh Ali 6, Alhamwi 5, Adribi 4, Saleh 4, Arbasha 4, Jilati 2, Aljabi 0.

QS: 19-23, 42-32, 59-47, 77-72.

Comments are closed.