GUMAWA ng kasaysayan ang Mighty Sports Philippines matapos nitong hubaran ng korona ang Al Riyadi, 92-81, at tanghaling kampeon sa 2020 Dubai International Basketball Championship nitong Linggo (Manila time) sa Shabab Al Ahli Club.
Dahil sa panalo, ang Mighty Sports ang kauna-unahang non-Middle Eastern team na nagkampeon sa liga sa Dubai.
Ayon kina Bong Cuevas ng Creative Pacific Group na siyang major sponsor, Alex at Ceasar Wongchungking, may ari ng Mighty Sports, ang panalo ng team ay kanilang inihahandog sa mga Pinoy, lalong-lalo na sa mga OFW sa Dubai na walang sawang sumuporta sa bawat laro ng koponan.
“We made history and became the first non-Middle Eastern team to win the Dubai tilt. Mighty sports team is very happy to be performing well and all these games, we dedicated it to the our hardworking kababayan in the UAE,” sabi ni Cuevas.
Bagama’t may mga naturalized player ang Mighty Sports na sina Andrei Blatche at ex-PBA import Renaldo Balkman, nagpamalas din ng galing ang mga bagong mukha at mga batang manlalaro ng basketball sa Filipinas tulad nina Thirdy Ravena at Isaac Go ng Ateneo de Manila University, Dave Ildefonso ng National University, magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño ng University of the Philippines, MPBL standout Gab Banal, Fil-Am Mikey Reyes at Julian Malonso ng De La Salle University.
“Magandang experience ito sa mga bata nating manlalaro lalo na at napaka-physical ng naging torneo. Naging maganda rin itong panoorin ng ating mga Pinoy fans sa Dubai. We also have the most able and one of the youngest coaches in the Philippines, Charles Tiu,” sabi pa ni Cuevas.
Pinuri rin ni Cuevas si coach Tiu at ang buong koponan sa ibinigay na tagumpay sa bansa.
Nabatid din kay Cuevas na ang 31st Dubai Basketball championship 2020 ay nilahukan ng pinakamagagaling na koponan sa Middle East na kinabibilangan ng Lebanon, UAE, Egypt, Tunisia, Morocco at Syria. Ang Filipinas ang tanging koponan na naimbitahan na taga-Asia.
“Every night many Filipinos are watching the games. Nakarating tayo sa finals against the strongest team in Lebanon, sila ang champion last year and champion of the Lebanese professional league and supported by three American imports, underdog tayo because they are much bigger and stronger and most teams are composed of their national squads,” ani Cuevas.
Pinangunahan ni Balkman ang atake ng Filipinas at nagtala ng 25 puntos at 9 rebounds. Bumanat ang Mighty Sports ng 6-0 run para makuha ang korona.
Iskor:
Mighty Sports-Creative (92) – Balkman 25, Blatche 21, Williams 13, Moore 11, Kendrick 10, Ravena 6, Malonzo 4, Go 2, Gomez de Liaño 0, Belga 0.
Al Riyadi (81) – Efevberha 26, Jackson 20, Haidar 14, Arakji 10, Bawji 6, Saoud 3, Mneimneh 2, Townes 0, Akl 0, Gyokchyan 0.
QS: 24-20, 46-42, 74-57, 92-81.