PATULOY na namamayagpag ang Mighty Sports Philippine basketball team sa 2020 Dubai International Basketball Tournament matapos talunin ang koponan ng Syria na Al Itthihad of Allepo sa score na 77-72 nitong Sabado.
Dahil sa panalo, nagtala ang Mighty Sports ng 2-0 at nananatiling nangunguna sa team standing ng competition. Nitong Biyernes nauna ng pinataob ng Mighty Sports ang United Arab Emirates national team sa score na 88-82.
Ayon Bong Cuevas ng Creative Pacific Group na siyang major sponsor ng Mighty Sports, nakapagtala ng dalawang sunod na panalo ang team Philippines dahil sa mainit na pagtanggap at pagsuporta ng mga Pinoy sa Dubai.
“Nakakagulat ang sobrang init na pagtanggap ng mga Pinoy fans sa Dubai, bukod sa likas na galing ng ating mga manlalaro, ang kanilang mga sigaw at palakpakan talaga ang isang dahilan ng ating dalawang sunod na panalo,” ani Cuevas.
Sinabi ni Cuevas, mistulang nasa homecourt ang Mighty dahil sa lakas ng hiyawan ng mga Pinoy kaya inspired ang ating mga player.
Pahayag pa ni Cuevas, kung magpapatuloy ang suporta ng Pinoy hindi malayong makuha ng Filipinas ang kampeonato sa torneo.
Dalawang araw na pahinga ang Mighty Sports bago nila kaharapin ang ES Rades ng Tunisia bukas, araw ng Martes dakong ala-una ng madaling araw (Manila time).
Pinangungunahan ang Mighty Sports ni Filipino naturalized player Andrei Blatche at mga import na sina Ronaldo Balkman, Mckenzie Moore at Jalen Kendricks.
Nais ring i-showcase ng Mighty Sports ang mga batang manlalaro ng Filipinas para mahasa ang kanilang galing kaya kasama sa lineup sila Juan Gomez De Liaño at kapatid na si Javi Gomez, mula sa UP Fighting Maroons; Thirdy Ravena at Isaac Go, mula sa Ateneo Blue Eagles; MPBL MVP Gab Banal; Dave Ildefonso, ng NU Basketball team; Fil-am Jaime Malonzo at PBA veteran na sila Beau Belga at Joseph Yeo.
Dahil sa dalawang sunod na panalo ay nagpahayag naman ng kagalakan sina Alex at Ceasar Wongchungking na siyang may-ari ng Mighty Sports.
Comments are closed.