PINULBOS ng Mighty Sports-Creative Pacific ang Al Wathba ng Syria, 88-71, sa kanilang quarterfinal showdown noong Biyernes ng gabi sa 31st Dubai International Basketball Championship sa Shabab Al Ahli Club sa United Arab Emirates.
Anim na players ng Mighty Sports-Creative Pacific ang umiskor ng double figures sa pinakamainit na shooting ng koponan sa kasalukuyan.
Kumamada si McKenzie Moore ng 15 points mula sa bench sa 7-of-8 shooting mula sa field habang nag-ambag sina veteran Renaldo Balkman at naturalized Filipino Andray Blatche ng 13 at 12 points, ayon sa pagkakasunod, bukod sa pagkalawit ng walong rebounds sa isa pang solid all-around showing.
Maging sina dating collegiate standouts – Thirdy Ravena ng Ateneo at Jamie Malonzo ng La Salle– ay pumutok din, gayundin si Juan Gomez de Liaño ng UP.
Subalit sa tatlo, si 6-foot-6 Malonzo ang pinaka-nagningning sa pagkamada ng perfect 5-of-5 shooting, kabilang ang back-to-back monster dunks sa payoff period na ipinagbunyi ng crowd, kabilang sina Mighty Sports owner Alex Wongchuking at Bong Cuevas ng Creative Pacific.
Sa semis ay makakasagupa ng Mighty Sports ang Moroccan club Sale, na pinataob ang UAE national team, 85-80, sa naunang laro.
Sa kabila ng tiyansang mahigitan ang kanilang bronze medal finish noong nakaraang taon at sa ipinakita nila sa huling tatlong laro, tumanggi si coach Charles Tiu na magdiwang dahil wala pa, aniya, silang nakakamit.
“Our goal is to win the championship but I am happy with our win,” ani Tiu. “I’m proud with what Jamie, Thirdy and Juan contributed to the team,”
Sa kabuuan, ang Mighty Sports-Creative Pacific ay umiskor ng 57 percent mula sa field, kung saan naipasol nila ang 36 sa 63 attempts, kabilang ang 12 triples, laban sa 41 percent shooting lamang ng Syrian club.
Umaasa sina Tiu at Wongchuking na mapananatili ng koponan ang kanilang mainit na shooting laban sa dating champion team para makapaglaro sa finals sa unang pagkakataon sa tatlong pagtatangka.
Iskor:
Mighty Sports (88) – Moore 15, Balkman 13, Blatche 12, Malonzo 11, Ravena 10, Juan Gomez De Liaño 10, Go 5, Kendrick 4, Ildefonso 3, Javi Gomez de Liaño 3, Williams 2, Belga 0.
Al Wathba (71) – Daniels 36, Alhusain 11, Alsati 10, Shaban 5, Correa 5, Couisnard 4, Altarakji 0, El-Ayoubi 0.
QS: 22-16, 44-31, 65-50, 88-71.
Comments are closed.