MIKE MAGAT GRADUATE NA SA PAGPAPASEKSI

PARA kay Mike Magat, nasa estado siya ng buhay niya na graduate na siya sa pagpapaseksi.The point

Mas gusto nitong pagtuunan ang pagganap sa mga makabuluhang roles dahil ayon sa kanya ay hindi na rin siya bumabata.

“Siyempre, iba na ang pananaw natin sa mga bagay-bagay. Habang nagma-mature tayo, marami tayong natututunan,” aniya.

Gayunpaman, hindi raw naman niya pinagsisisihan ang ginawa niyang pagpapaseksi noon kahit na miyembro na siya ng Iglesia ni Kristo noon.

Katunayan, hindi raw naman iyon naging dahilan para itiwalag siya ng kanyang sinasambahang relihiyon.

“Trabaho lang naman iyon para sa akin at alam ko naman ang aking limitas­yon,” paliwanag niya.

Kasama si Mike sa cast  ng “Hapi Ang Buhay: The Musical” kung saan makikigulo siya sa Barangay Kaysaya na nabulabog nang matagpuang walang malay at pinaghinalaang pinatay ang isang money lender sa kanilang barangay.

Kasama sa cast nito sina Antonio Aquitania, Victor Neri at marami pang iba.

Ang “Hapi ang Buhay: The Musical” ay mula sa direksyon ng award-winning director na si  Carlo Jay Cuevas.

Si Cuevas ay nakilala sa indie movie na “Walang Take Two” na  nanalo ng maraming award sa mga prestihiyosong international filmfests.

Itinanghal din siyang “World Newcomer Filmmaker of the Year” at na­bigyan ng Platinum World Award para sa naturang pelikula.

Wagi rin siyang “Best Director of a Foreign Language Film” sa 2016 International Filmmaker Festival of  World Cinema in London.

Itinanghal ding best film ang full-length feature na ito sa 2016 Madrid Intenational Film Festival at nagkamit ng Golden Award for International Film sa 2016 World Film Awards sa Jakarta, Indonesia.

DIREK KIP OEBANDA NA-ENJOY ANG KABATAAN KAHIT LUMAKI SA KULUNGAN

DIREK KIP OEBANDAKAHIT ang selda ang kinagisnan niyang mundo, hindi naramdaman ng  magaling na director ng “Liway” na si Kip Oebanda na isa siyang bilanggo.

Lumaki kasi siya sa kulungan nang mapiit ang kanyang mga magulang noong pa­nahon ng Martial Law dahil sa pagtuligsa sa rehimen ni Marcos.

Gayunpaman, masaya raw naman ang kanyang kabataan dahil hindi siya lumaking traumatized dahil na rin sa pag-aalaga ng kanyang ina na ipinamulat sa kanya ang ganda ng buhay sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap nila noon .

Maituturing pa rin niyang mapalad siya dahil kumpara sa mga batang nagugutom o namamatay sa gutom, noong panahong iyon, binusog naman daw siya ng kanyang ina sa pagmamahal.

Wala rin daw  siyang pagsisisi na ang selda ang mundong kanyang kinamulatan.

“Wala naman akong regrets. I think as a child, kung hindi mo naman alam ang alternatives, hindi mo siya hahanapin. Hindi mo alam na may mundo sa labas so, hindi mo siya hahanapin and we see this even sa kids na kinukulong sa mga kuwarto at doon lumaki. Once you become aware, then you start feeling na iba ka o you’re different,” aniya.

Si Direk Kip ang box office director ng “Liway”, ang critically-acclaimed Cinemalaya movie na may theatrical run ngayong Oktubre. Ito ay tumatalakay sa tunay na buhay ng kanyang nanay na isang rebelde na may alias na Kumander Liway.

Ginagampanan ni Glaiza de Castro ang role ng kanyang ina samantalang ang award-winning child actor naman ang nagbibigay-buhay sa role niya bilang Dakip.

Comments are closed.