MILAGRONG nahukay nang buhay at nailigtas mula sa pagkakatabon ng bato at lupa ang isang batang babae na kabilang sa mahigit 100 katao na nawawala sa naganap na landslide sa Maco, Davao de Oro may 60 oras ang nakalipas.
Ang pagkakaligtas nang buhay sa batang biktima ay nagbigay lakas ng loob ngayon sa ibat ibang rescue unit para magkumahog sa paghahanap pa sa mga nawawalang biktima ng landslides na pinangangambahang tuluyan nang natabunan.
Nabatid na mano mano o gumagamit ng pala ang mga rescuer para sa paghuhukay at paghahanap sa mga area na posibleng may mga survivor sa Barangay Masara.
“It’s a miracle,” ayon kay Davao de Oro Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Officer Edward Macapili.
Naganap ang naturang pagguho ng lupa noong nakaraang February 6 kung saan bukod sa mga natabunang bahay ay may tatlong bus at isang jeep ang nahagip din ng rumaragasang bato at lupang dumausdos mula sa itaas ng bundok sanhi ng pag-ulan.
Batay sa inilabas na datos ng Philippine Army 1001st Brigade, umakyat na sa labing isa ang kumpirmadong nasawi.
Pumalo na rin sa 110 indibidwal ang bilang ng mga nawawala at patuloy na pinaghahanap ng mga kinauukulan.
Patuloy naman ang pagtulong ng mga tropa ng militar partikular na ng 1001st Brigade sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa paghuhukay sa mga nawawalang biktima.
VERLIN RUIZ