MILD AT ASYMPTOMATIC PATIENTS PUWEDE SA CLASSROOMS NA GAGAWING ISOLATION FACILITIES

silid aralan

UPANG masolusyunan ang nararanasang kakulangan sa hospital bed partikular para sa COVID-19 positive cases, iminungkahi ng isang ranking House minority bloc official na gawing isolation facilitIes ang mga silid-aralan kung saan maaaring dalhin ang mga pasyenteng mayroon lamang mild symptons gayundin ang tinatawag na asymptomatic.

“I am proposing that asymptomatic individuals be quarantined in classrooms at the ratio of 1:1 or one classroom, one COVID-19 positive person,” ang pahayag ni House Deputy Minority Leader at Marikina City 1st Dist. Rep. Bayani Fernando

Aniya, tanging ang kumpirmadong asymptomatic patients at mild cases ang tatanggapin sa school classrooms na gagawing isolation facilities habang ang critical cases na nangangailangan ng kaukulang gamutan ay sa mga ospital.

Naniniwala si Fernando na natatakot o nababahala ang karamihan sa mga tinamaan ng nakamamatay na virus na madala sa quarantine facilities dahil ang pakiramdam umano ng mga ito ay mas lalo lamang silang malagay sa peligro at lumalala ang kanilang sakit dahil siksikan na rin ang karamihan sa mga pasilidad na ipinagawa ng gobyerno.

“The people are afraid to go to these facilities. So they would rather choose to stay in their homes, putting their families at risk of infection. We have to allay the fear of the patients while at the same time protect the well-being of their families,” ayon pa sa Marikina City law-maker.

Paggigiit ni Fernando, mas magiging komportable para sa isang pasyente ang silid-aralan, na ang karaniwang sukat ay nasa 63 sqm. dahil mas maganda ang ventilation, lighting at mayroon din itong iba pang amenities gaya ng sariling comfort room  kumpara kung sila ay mananatili sa kanilang tahanan.

“We have around one million classrooms across the country and these are located in the communities. I believe that most of our classrooms are equipped with electric fans especially in cities where COVID is prevalent. Many classrooms have toilets but for those that have none, the occupant can use arinola or bed pan instead,” dagdag ng kongresista.

Bukod dito, maiiwasan na rin umanong gumastos pa o maglaan ng kinakailangang pondo at hindi pa maghintay ng ilang araw para maka-pagpatayo ng bagong isolation facilities ang gobyerno dahil nariyan na ang mga silid-aralan, maaaring magamit agad sapagkat nakabakante habang hindi pa rin naman  pinapayagan ang face-to-face classes.

Kaya sinabi ni Fernando na ang badget ng pamahalaan para sa konstruksiyon ng bagong quarantine facilities, sa halip ay gamitin na lamang para matustusan ang lahat ng gastusin ng mga pasyenteng dadalhin sa mga public school habang ang mga ito ay nagpapagaling. ROMER R. BUTUYAN

One thought on “MILD AT ASYMPTOMATIC PATIENTS PUWEDE SA CLASSROOMS NA GAGAWING ISOLATION FACILITIES”

Comments are closed.