NITONG Agosto 12, pinangunahan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang oath taking ng mga bagong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang interim government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang hindi binigyang-pansin ng media ay sa bagong BTA, ang mga dating naglalabanang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay tuluyan nang nagkaisa sa ilalim ng isang Bangsamoro autonomous government.
“The fact that the unity between the MNLF and MILF happened under the present administration is an indication that President Marcos’ call for unity is being heeded by the former Moro rebel groups,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles nitong Linggo.
Pinuri ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez, Jr. ang Presidente dahil inuuna nito ang Bangsamoro sa kanyang administration.
“It has been a long time since the MNLF and the MILF have split but under the Marcos administration, they are one in pushing for sustainable peace and development in the Bangsamoro,” sabi ni Galvez na binigyang diin ang pagsasama ng MNLF at MILF members sa BTA.
Itinalaga ng Pangulo, ang BTA ay isang 80-miyembrong namamahalang lupon na inatasan na magpasa ng mga mahahalagang batas para sa pagpapatakbo ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at gamitin ang mga kapangyarihang pambatas at ehekutibo sa panahon ng transisyon ng rehiyon.
Tinukoy ng BOL na ang MILF ang mamumuno sa BTA, nang walang pagkiling sa partisipasyon ng MNLF. Ang 41 miyembro ng BTA ay dapat nominado ng MILF, habang ang natitirang 39 na miyembro ay i-endorso ng gobyerno ng Pilipinas.
“With the joining of the MNLF and the MILF, and with the ‘balanced’ and equitable composition of the 39 GPH nominees… this is now no longer just the BTA of the old BARMM but the BTA of a ‘United BARMM,'” ayon kay Galvez.
Ang partisipasyon ng MNLF partikular sa pamumuno ni Chair Nur Misuari ay produkto ng convergence effort ng OPAPRU para pagtugmain ang Bangsamoro peace agreements na kinabibilangan ng 1976 Tripoli, ang 1996 Final Peace Agreements at ang 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Kabilang sa mga bagong miyembro ng BTA ay sina Abdulkarim Misuari at Nurrheda Misuari, mga anak ni Chair Misuari ng MNLF.
“The joining of the MNLF of Chair Nur Misuari with the MILF-led BTA is auspicious and heralds a significant step towards unity in the BARMM,” pagbibigay diin ni Galvez.
Ang ratipikasyon ng Republic Act No. 11054 o ang BOL sa pamamagitan ng plebisito na ginanap noong 2019 ay naging daan para sa paglikha ng BARMM, gayundin sa pagtatatag ng BTA.
Noong 2021, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11593 na ipinagpaliban ang halalan sa BARMM na nakatakdang isagawa ngayong taon, at dahil dito, pinalawig ang transition period ng BTA hanggang 2025
Sa kanyang talumpati sa Malacanang, sinabi ni Marcos na ang pagpapalawig ng termino ng panunungkulan ng BTA mula 2022 hanggang 2025 ay naglalayong bigyan ang katawan ng mas maraming oras upang tapusin ang mga gawain nito sa ilalim ng BOL.
“We are given another chance…but we have three years and it is not a long time for this rather basic, fundamental, and highly important pieces of legislation that have to be produced now by the Transition Authority. I’m specifically referring to fiscal policy. You have to define taxation and fiscal policy, and how they are going to be defined and what are the rules to be followed,” sabi ni Marcos.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na kailangang ipasa ng BTA ang Electoral Code sa loob ng pinalawig na transition period. “We have to finish the Electoral Code by 2025 because after 2025, we will no longer have any extensions … and we will conduct elections. We must have very clear rules on the conduct of those elections,” dagdag nito.
Ang BTA ay hindi pa nakakagawa at nagpasa ng priority measures na kinabibilangan ng Bangsamoro Local Government Code, Electoral Code, Revenue Code at Indigenous Peoples’ Code.