MAGUINDANAO– IPINARARAMDAM na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na katuwang sila ng pamahalaan para malinis ang bansa laban sa ilegalista.
Ito ay nang isang plantasyon ng marijuana ang binunot ng mga miyembro ng MILF sa boundary ng Datu Montawal at Pagalungan sa Maguindanao.
Nanguna sa pagsira sa libo-libong puno ng marijuana si Hadji Abdullah Hamsa alyas Kumander Transiver ng 128th Base Command ng MILF sa hangganan ng Barangay Dungguan, Datu Montawal at Pagalungan, Maguindanao.
Tinurn-over ng MILF ang mga nabunot na puno ng Marijuana sa Datu Montawal PNP, 7th Infantry Battalion Philippine Army, 602nd Brigade, MILF Adjag, PDEA-BARMM, OPAPP at ni Dunguan Barangay Chairman Safrullah Buday Alhaj.
Ang mga residente roon ang nagbigay ng impormasyon sa MILF at mga opisyal ng barangay sa plantasyon ng marijuana.
Bukod sa mga fully grown marijuana plants may mga binhi rin na handa na sanang itanim ang narekober.
Una nang pinaigting pa ng LGU-Datu Montawal sa pamumuno ni Mayor Datu Otho Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal katuwang ang militar, pulisya, PDEA-BARMM at MILF ang kampanya laban sa ipinagbabawal na droga. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.