MILITANTE NAGPROTESTA SA KALIWA DAM

Magkape Muna Tayo Ulit

IBINUNYAG ko na rito sa kolum ko ang isyu ng Kaliwa Dam, may dalawang buwan na ang nakalilipas. Marahil ay hindi masyadong napansin ang napakamasalimuot na isyung ito. Subalit nang ibinalita ito sa TV Patrol, may dalawang linggo na ang nakararaan, tila nabigyang-pansin ang katanungan kung bakit nais ipagpatuloy ng MWSS ang nasabing proyekto. Tutol na tutol ang mga residente at mga komunidad na nakapaligid sa planong pagtatayuan ng Kaliwa Dam.

Malaking katanu­ngan din dito ay ang di­senyo ng nasabing dam na magdudulot ng posibleng paglubog ng ilang barangay, pati na ang posibleng pagkasira ng kalikasan tulad ng Tinipak Park. Napanood ko ang interbyu kay MWSS administrator Reynaldo Velasco at mariin niyang sinabi na tuloy na tuloy ang nasabing proyekto.

Maraming isyu ang kinatatakutan ng mga nakatira sa lugar sa Infanta, Quezon at sa Tanay, Rizal. Ito ang mga lugar na direktang maaapektuhan  sakaling itayo ang Kaliwa Dam. Ang sabi ng isang mayor doon ay ang pagtatayuan ng proyekto ay nasa fault line ng lindol kaya maaaring masira raw ang nasabing dam sakaling magkaroon ng isang matinding lindol sa lalawigan ng Quezon.

Dagdag pa rito ay ang posibleng malaking gastusin upang itayo ito. Magkakahalaga raw ito ng P19 billion. Subalit hindi pa kasama rito ang water treatment plant upang magawa itong tubig inumin. Ayon sa Manila Water, isang concessionaire ng MWSS, magkakaroon pa ng karag­dagang gastos na aabot ng P10-billion sa treatment plant, kasama na ang mahabang water tunnel. Ito ay dahil sa layo ng distansiya ng paglalagyan ng water treatment plant sa Kaliwa Dam.

Ang pondo panggagalingan nito ay magmumula sa China sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA).  Sa madaling salita, uutang tayo sa bansang China. Ang pirmahan ng nasabing loan agreement ay kasama sa iskedyul ng pagbisita ng Presidente ng China na si Xi Jinping kahapon at ngayong araw.

Totoo naman na malaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng kakulangan ng suplay ng tubig inumin sa Metro Manila sa susunod na lima hanggang 10 taon. Wala tayong argumento rito.  Lumalaki ang populasyon natin kaya dumarami ang kumokonsumo ng tubig. Nararapat lamang na maghanap ang gobyerno ng karagdagang suplay ng tubig. Ang Kaliwa Dam ang kasagutan.

Subalit ang pamama­raan yata ay mali. Malaki masyado ang halaga ng proyekto at tayo ang magbabayad nito sa pamamagitan ng buwis at pagtaas ng singil sa tubig. Marami rin ang mawawalan ng tirahan kapag itinuloy ito.

Ang mga militanteng grupo ay sumakay na rin sa isyung ito. Ang Bagong Alyansang Ma­kabayan ng Southern Tagalog, kasama ang tribu ng Dumagat, ay pumunta sa Chinese Embassy kahapon upang magprotesta sa proyektong Kaliwa Dam.

Sa totoo lang, hindi ako bilib sa mga militanteng grupo. Isa na ako sa tutol sa kanila. Para sa akin, minsan ay sagabal sila pag-unlad ng ating bansa. Dahil karamihan ay puro batikos ngunit wala namang mahusay na alternatibo na ipinapanukala. Subalit dito, tila may rason sila upang sumakay sa isyung ito.

Mayroon kasing alternatibong panukala o proposal na gagawa ng dam upang magkaroon ng karagdagang water supply sa atin sa mas murang halaga at hindi ilulubog sa tubig ang mga komunidad sa nasabing proyekto. Ito ay sa isang kompanya mula sa Japan na tila na itsa-puwera nang pumasok ang tulong at impluwensiya ng bansang China.

Abangan na lang natin ang susunod na kaganapan dito.

Comments are closed.