MUKHANG kailangan nang magbago ng gimik ang ilang sa mga militanteng grupo sa pamamaraan ng kanilang pagpoprotesta. ‘Ika nga ni FPJ sa isang pelikula niya, ‘puno na ang salop’. Matagal na kasing hinahayaan ng mayorya ng ating mga mamamayan ang kaliwa’t kanang mga protesta ng mga militanteng grupo. Kadalasan ay nakakaperwisyo na sila sa ating pang-araw-araw na gawain.
Pinagpapasensyahan natin ang matinding trapik dulot ng kanilang mga martsa sa lansangan. Pilit nating iniintindi ang perwisyong idinudulot nila sa mga malawakang welga sa transportasyon. Hinahayaan natin ang kanilang mga pagdumi ng ating mga lansangan sa kanilang mga ipinapaskil na posters sa mga poste ng LRT at MRT sa kanilang adhikain. Sa katunayan, kibit balikat tayo sa mga pagpintura at pagsulat sa mga pader na nag-uudyok ng himagsikan, poot at galit laban sa ating pamahalaan.
Subali’t mukhang tumatabang na ang pagtanggap ng karamihan ng ating mga mamamayan sa kanilang adbokasiya. Ang mga mahihirap at estudyante ang kanilang pinupuntirya upang sumapi sa kanilang samahan. Subali’t dahil sa modernong komunikasyon at mabilis na pamamaraan upang malaman ang mga makabagong balita, nahihirapan ang mga militanteng grupo na makakuha ng mga bagong kasapi.
Tulad ng sinabi ko sa mabilis na pamamaraan ng pagkalat ng balita, si Mayor Isko Moreno o mas kilala bilang ‘Yorme’ ng Maynila ay kilalang kilala ngayon sa kanyang kampanya upang ibalik ang ningning ng Maynila. Sa pamamagitan ng tradisyonal na balita at social media, nalalaman ang kanyang mga ginagawa sa Maynila. Sa katunayan, aminin man nila o hindi, ang national government natin ay nauudyok na umaksiyon din nang mabilis dahil sa mabilis at determinadong estilo ni Yorme.
Kaya naman matapos ang dalawang linggo na pagkukumpuni ng Lawton at Lagusnilad Underpass na inutos ni Yorme, may mga gunggong na militanteng grupo na nagsulat na mga tinatawag nilang ‘pambansang kapakanan’ na dapat daw ay maipaabot sa kaalaman ng ating pamahalaan. Ang mga isinulat nila ay “PRESYO, IBABA! SAHOD, ITAAS!”; “DIGMAANG BAYAN SAGOT SA MARTIAL LAW” at “ATIN ANG PINAS! US-CHINA LAYAS!”.
Ha? Hindi ba natin alam ang mga suliranin ng ating lipunan? Hindi ba tinutugunan ito ng ating pamahalaan? Ang may salarin na pagbaboy ng Lawton at Lagusnilad Underpass ay ang militanteng grupong Panday Sining o PS. Hindi maganda ang pagtanggap ng karamihan ng ating mga mamamayan sa kanilang pamamaraan ng pagpapahayag ng kanilang adbokasiya. Ayon pala sa FB ng Panday Sining, magsasagawa sila ng isang “Graffiesta” upang tapusin ang de facto na batas militar sa ating bansa. Wow… hebigat!
Nanawagan pa ang Panday Sining sa lahat ng mga artista ng bayan na makilahok sa serye ng mga Graffiesta sa pamamagitan ng pagtransporma sa lansangan bilang pangunahing lunsaran ng mga progresibo at militanteng likhang-sining. Aysus!!!
Kaya naman mabigat at seryoso ang banta ni Yorme sa kanila na huwag silang pahuhuli dahil padidilaan niya sa mga miyembro ng Panday Sining ang lahat na mga ginawa nilang pagbaboy sa ginagawang pagsasaayos ng Maynila.
Hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng Panday Sining. May kapal pa sila ng mukha na magsabi na bukas sila upang makipag-usap kay Yorme sa ginawa nilang pagbaboy sa nasabing lugar. Haller? Ang paliwanag nila sa protesta ay hindi upang bastusin ang mga taga-Maynila. Ito raw ay upang ipaabot ang nakaaalarmang kawalan ng katarungan sa ating lipunan. Anyenye!
Yorme, panagutin mo ang kumag na Panday Sining. Turuan mo sila ng leksiyon. Tulad ng ginagawa mo sa mga pasaway sa Maynila, ganito rin dapat ang gawin mo sa mga pasimuno ng Panday Sining. Nasa batas nag pagbabawal ng bandalismo. Lumabag sa batas ang mga militanteng ito. Pasensiyahan na lang at nakatapat ninyo si Yorme.
Comments are closed.