CAMP AGUINALDO –PINAPLANTSA na ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ilalatag nilang security blanket para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Complex sa Hulyo 24, 2018.
Ayon kay AFP Public Affair Office chief Col. Noel Detoyato, sa kasalukuyan ay wala pa silang nakakalap na validated threat mula sa mga teroristang grupo na maaaring maghasik ng karahasan sa SONA ng pangulo bukod sa pag-iingay na gagawin ng mga makakaliwang hanay.
Sa ulat, 600 na sundalo ang magiging augmentation force para sa 6,000 na pulis na magbabantay sa SONA ng pangulo.
Ayon kay PNP-NCRPO Director Guillermo Eleazar, ang mga pulis ay mula sa Quezon City Police District, Eastern Police District, Manila Police District at Southern Police District.
Tiniyak naman ni Eleazar na ipatutupad nila ang maximum tolerance, habang pag-uusapan pa nila kung hanggang saan lamang papayagan ang mga militante na puwedeng mag-rally. VERLIN RUIZ