COTABATO CITY – AGAD na pinabulaanan ng militar na dead on the spot ang isang sundalo habang patay naman nang idating ang isa pa base sa unang ulat na ipinakalat ng ilang radio station kaugnay sa nangyaring pamamaril kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Army, dalawa silang sundalo ang malubhang nasugatan matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan kahapon ng umaga.
Ayon kay Maj. Gen Cerilito Sobejana ng 6th Infantry Division, walang nasawi sa dalawang sundalo bunsod ng ginawang pamamaril sa kanila.
Ayon sa inititial report ng opisyal, nasa kritikal na kalagayan ang isa sa mga sundalong biktima habang ligtas na sa kamatayan ang isa pang sundalo.
Naganap ang pamamaril ng mga hinihinalang miyembro ng terrorist group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters bandang alas-8:30 kahapon ng umaga sa may Sinsuat Ave., sa Mother Barangay, Rosary heights, malapit lamang sa isang gas station sa Cotabato City.
Kinilala ang mga biktima na sina PFC Michael F. Haudar, at PFC Nerwin F. Delfin, kapuwa 26-anyos at nakatalaga sa 37th Infantry Battalion, 6ID, Phil Army at naninirahan sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Tinatahak umano ng mga sundalo ang kahabaan ng Sinsuat Ave sakay ng motorsiklo mula PC hill, Cotabato City, nang dikitan sila ng riding in tandem gunmen at binaril ng ilang ulit bago mabilis na tumakas palayo sa crime scene.
Agad na naitakbo sa Cotabato Regional Medical Center ang daalwa kung saan nanatiling nasa kritikal na kalagayan pa si Haudar.
Apat na basyo ng kalibre .45 pistol ang nakuha ng mga tauhan ng Cotabato PNP sa pinangyarihan ng insidente. VERLIN RUIZ
Comments are closed.