(Militar vs CTG) MALALAKAS NA ARMAS NAKUMPISKA SA SAGUPAAN

CAGAYAN- IBA’T-ibang uri ng baril at gamit pandigma ang nasamsam ng militar sa Lal-lo sa lalawigang ito matapos makaengkuwentro ang mga miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG).

Nakarekober ng mga high-powered firearms, anti-personnel mines at mga gamit pandigma ang intensive Focused Military Operations ng 77th Infantry Battalion sa ilalim ng 501st Infantry Brigade matapos ang sagupaan sa pagitang ng CTG nitong Lunes sa Brgy. Dagupan, Lal-lo, Cagayan.

Bago ang nangyaring engkwentro, ipinagbigay-alam ng mga residente ng nasabing barangay sa mga naka-deploy na militar tungkol sa presensya ng hindi matukoy na bilang ng mga miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley sa kanilang komunidad.

Ang mga military ay agad umaksiyon sa nasabing ulat na nagresulta ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga CTG na tumagal ng 30 minuto.

Ayon kay Lt.Col Joeboy Kindipan, Battalion Commander ng 77IB matapos ang engkwentro ay narekober ng tropa ang 2 M16 rifles na may 3 magazine, 2 M14 rifles na may dalawang magazine, isang M653 rifle, isang colt 45 na may isang magazine, isang anti-personnel mine, i­lang mga bala, short wire, samu’t saring medical supply, at mga subersibong dokumento.

Sinabi naman ni BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na nagpadala na sila ng karagdagang tropa sa lugar para tugisin ang tumatakas na teroristang NPA.

Samantala, pinuri naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang katapangan ng tropa na nagdulot ng panibagong pagbawi ng mga baril mula sa CTG at bina­laan ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo.

“Hindi lang atin ang tagumpay kundi tagum­pay din ng bayan. Binabati ko ang Startroopers para sa kanilang pangako sa serbisyo, sa agarang pagtugon sa ulat ng mga residente. Sa mga natitirang miyembro ng CTG, hindi pa huli ang lahat para magbalik loob. Nakasalalay sa iyo ang iyong kapalaran.

Magbalik loob at ng makapiling ang mga minamahal sa buhay o mamuhay nang miserable kasama ang mga CTG,” ani Mina. IRENE GONZALES