MASBATE-SIYAM na kasapi ng New People’s Army ang na neyutralisa ng mga tauhan ng Philippine Army 9th Infantry Division sa lalawigang ito matapos ang naganap na sagupaan kahapon ng umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Information Office chief Col. Jorry Baclor, lima rito ang napatay ng 9ID 2nd Infantry Battalion at apat ang nadakip kabilang ang isang sugatan resulta ng isinagawang tactical operation ng militar sa Barangay Guiom, Cawayan, Masbate.
Bukod sa mga napaslang ng military, may anim na mataas na kalibre ng baril ang nakuha sa ginawang clearing operation sa encounter site.
Sa ibinahaging impormasyon ni Maj. Frank Roldan, spokesman ng Army 9th Infantry Division, bago naganap ang engkwentro nakatangap ng walk intelligence information ang mga sundalong naka-deploy malapit sa Barangay Guiom na nagsasagawa ng community support program hinggil sa presensya ng may 20 armadong lalaki.
Agad na nagsagawa security patrol ang tropa ng 2IB na nagresulta sa mahigit 20 minutong sagupaan bandang ala-6 ng umaga bago nagpasyang umatras ang mga NPA at iwan ang kanilang mga patay na kasamahan kabilang ang isang sugatan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Regional Health Unit.
Ayon kay Roldan, target ng manhunt operation ang mga tumatakas na NPA. VERLIN RUIZ