DESIDIDO si Pangulong Rodrigo Duterte na maging permanente ang presensiya ng mga military installation sa Marawi City sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mga lokal na opisyal at mga mamamayan sa naturang lugar.
Pinulong noong Miyerkoles ng gabi ni Pangulong Duterte sa Malakanyang ang mga opisyal ng national government agencies, local government officials at mga lider ng Internally Displaced Persons (IDPS) sa Marawi City kung saan tinalakay ang ginagawang rehabilitasyon.
Nakiusap si Pangulong Duterte sa mga taga Marawi City na suportahan na muna ang hakbang ng pamahalaan na magpakalat ng mga sundalo sa lugar hindi para labanan ang mga Maranao kundi ang mga terorista.
”I’m not after the Maranao, ang akin d’yan is the military should be there to avoid a repeat of… ‘yang military hindi ‘yang Maranao ang hinahanap n’yan, the terrorists that terrorize everybody,” wika ng Pangulo.
“It’s the age of terrorism so we will just have to do something about it. Come up with something that can mitigate. Anyway, pagka-peaceful na, then it’s about time na the military will go out. My decision to build a military camp there will remain,” giit ng Pangulo.
Mahalaga aniya na may kontrol ang pamahalaan sa lugar dahil hindi lamang ang Islamic extremists ang kailangang bantayan kundi maging ang mga komunistang rebelde.
Ayon sa pangulo, kapag tahimik na ang Marawi at siguradong ligtas na, maari nang lumabas ang mga sundalo.
Kasabay nito, ay itinalaga ng Pangulo bilang rehabilitation czar si Department Human Settlement and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario na naatasan ding humawak ng pondo at siyang direktang makikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management para mapabilis ang rehabilitasyon ng Marawi. EVELYN QUIROZ