CAMP AGUINALDO –NANINDIGAN si Defense Secretary Delfin Lorenzana na magpapatuloy ang ka-nilang military operation kahit pa inihayag ni Communist Party of the Philippines Founding chairman Jose Maria Sison na posibleng palayain nila sa Pasko ang kanilang binihag na mga sundalo at miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Department of National Defense sa Camp Aguindaldo inihayag ng kalihim na magpapatuloy ang opensiba ng militar laban sa New People’s Army.
Partikular na tinuturan ng kalihim ang pagdukot sa 2 sundalo at 12 miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 3rd Special Forces Battalion at ang pagkasabat sa 24 na matataas na kalibre ng armas sa Agusan del Sur.
Ayon sa kalihim, gustong gamiting leverage ng NPA ang mga hostage dahil gusto ng mga rebelde na itigil ng militar ang kanilang operasyon sa lugar, bagay na hindi gagawin ng tropa ng gobyerno.
Sinabi ni Lorenzana na alam ng mga sundalo at CAFGU na may opensiba laban sa NPA at kung ma-hostage sila ay bahagi ito ng kanilang obligasyon.
Ayon kay 4ID commander M/Gen. Ronald Villanueva, batay sa inisyal na imbestigasyon, natutulog umano ang lahat ng mga sundalo sa kampo nang sumalakay ang NPA.
Naniniwala ang militar na malaki ang posibilidad na gagamitin din ng CPP-NPA sa kanilang propaganda ang mga binihag. VERLIN RUIZ
Comments are closed.