MAGKASANIB na sinalakay ng puwersa ng Department of Trade and Industry (DTI) Fair Trade Enforcement Bureau at ng Southern Police District (SPD) ang milk tea shop sa 3504 Pinaglabanan St. Bacalaran na front ng mag-asawang dayuhan sa pagbebenta ng ipinagbabawal na vape na may flavor na mga prutas tulad ng grape, cappuccino, mango at water melon na nakaka-enganyo sa mga bata.
Ayon sa DTI, tinarget bilang parokyano ng mag-asawa ang mga batang mag-aaral sa kalapit na Baclaran Elementary School na malinaw ring paglabag sa umiiral na 20-metrong radius na layo sa pagbebenta nito sa mga paaralan.
May kabuuang 452 na kahon ng mga bawal vape na sakop ng umiiral na batas sa ilalim ng R.A. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act ang nakumpiska ng DTI at SPD na tinatayang humigit-kumulang sa P24.6 milyon ang halaga.
Sinabi ni DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Amanda Nograles na wala ring business at license permit ang milk tea shop ng mag-asawa sa Lokal naPamahalaan ng Lungsod ng Paranaque, sa kanilang tanggapan at maging sa barangay.
Ipinasara na ng DTI ang naturang milk tea shop habang nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Bureau of Immigration (BI) upang suriin ang mga dokumento ng mag-asawang dayuhan kung legal o ilegal ang kanilang pananatili sa bansa. CRISPIN RIZAL