MILYONG HALAGA NG DROGA NA-INTERCEPT NG BOC SA NAIA

NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong abandonadong parcel na naglalaman ng illegal drugs.

Ayon sa report ng PDEA, ang tatlong parcel ay naglalaman ng marijuana oil, Kush at shabu kung saan  idineklara bilang Collectible Camera Film Roll, Women T-shirt, damit at denver stone na aabot sa  P7,738,800.00 milyon ang halaga.

Batay sa impormasyon ang isang parcel na naglalaman ng 96 boxes ng cartridge marijuana oil ay umaabot sa P5,760.00 at idineklara ang mga ito bilang collectible camera roll film na ipinadala ng ABH Studios ng California kay Eliazar Nace ng Cebu City.

Ang pangalawang kahon ay naglalaman ng 468 grams ng marijuana oil na umaabot sa P665,200 ang halaga ay ipinadala ni Linda Kim ng California USA kay Julie Rivera ng Bacolod City.

At ang pangatlong parcel na galing sa Pakistan na naglalaman ng 967 gramo ng shabu na idineklara bilang mga damit at denver stone na umaabot sa P6,507,600.00 milyon ang halaga ay naka-pangalan o naka-consignee kay Erin Jane De Asis ng Naga City.

Ang naturang mga droga ay nasa kustodiya ng PDEA at kasalukuyang nagsasagawa ng masusing  imbestigasyon kasunod ang paghahain ng kaso laban sa tatlong consignees.

FROILAN MORALLOS