LAGUNA- MILYONG pisong halaga ng liquid marijuana na nakalagay sa mga vape cigarette at imported high powered firearms ang nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang bahay ng isang eksklusibong subdibisyon sa Santa Rosa City kahapon ng umaga.
Sa bisa ng isang Search Warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 90 ng Dasmariñas City, Cavite, nilusob ng mga awtoridad ang mansion ng isang nag- ngangalang Enrique Luis Velasco Tiongco sa Avila Street, Block 1, Lot 26, Abrio Homes, Nuvali ng nasabing lungsod.
Sa nabanggit na raid, tumambad sa mga awtoridad ang kahon-kahon bilang ng mga vape cigarettes na naglalaman ng mga imported liquid marijuana na ayon sa mga ahente ng PDEA ay nagkakahalaga ng milyon piso.
Bukod sa mga nasabing drugs, natumbok din ng CIDG agents sa selyadong cabinet ang 1- unit ng caliber 5.56 MOE-K2 na US made long firearms; 1-unit ng caliber 5.56 Bushmaster na US made at tatlo pang long firearms kabilang ang lima pang de- kalidad na short firearms.
Ayon sa CIDG matagal ng sumasailalim sa kanilang surveillance si Tiongco tungkol sa mga illegal na pagmamay-ari nito ng mga baril at pag- iingat ng droga.
Nakakulong na ngayon sa CIDG custodial cell si Tiongco at nahaharap ito sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act. ARMAN CAMBE