TINIYAK ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at maging SM Prime Holdings na milyon-milyong Pilipino ang makakapanood ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) infomercial matapos na mag tandem ang DILG at SM partikular ang kanilang mga sinehan.
Nitong nakalipas na Linggo, inilunsad DILG at SM Prime Holdings ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) advertisement video na ipapalabas sa lahat ng 74 SM cinema branches sa buong bansa na may 348 screens para itaas ang kamalayan ng mga manonood at mag-udyok sa kanilang partisipasyon sa paglaban sa iligal na droga sa bansa.
Sa nasabing paglulunsad, nagpahayag ng pasasalamat si DILG Secretary Benhur Abalos sa SM Prime Holdings sa pagsama sa krusada laban sa ilegal na droga at pagiging aktibong katuwang ng BIDA.
Aniya, malaki ang maitutulong ng libreng pagpapalabas ng BIDA ad sa mga sinehan sa SM sa buong bansa sa layunin ng programa.
Binigyang-diin nito na ang DILG, sa ilalim ng patnubay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay magpapatuloy sa kampanya laban sa iligal na droga at panawagan para sa partisipasyon at tunay na suporta ng lahat.
“We will continue doing this. Ang ating Presidente, he is very serious about this. Nandyan lahat ng pwersa ng batas. But then, on the other hand, may kailangan tayong gawin on [demand] reduction.
It calls for a whole-of-country approach,” Abalos said during the launch at SM Megamall in Mandaluyong City.
Ayon kay Abalos, maliban sa screening ng BIDA ads, nangako ang SM na magsasagawa ng taunang physical at drug test at drug-free seminar para sa mga empleyado; magpatupad ng mahigpit na security procedures sa SM Malls kabilang ang roving K9s; gumamit ng mga lugar para sa mga kaganapan, pagsasanay, at pagpapakalat ng impormasyon; magsagawa ng mga aktibidad tulad ng mga kampanyang nauugnay sa kalusugan mga job fair; mga aktibidad sa libangan; at pagpapakalat ng impormasyon sa mga digital asset ng SM.
Sinabi ni SM Supermalls Senior Vice President for Operations Engineer Bien Mateo na ang BIDA ads ay ipapalabas sa 74 na sangay ng sinehan na inaasahang aabot sa tinatayang 2.5 milyong manonood. Aniya, malalantad din ito sa 53.8 million followers ng kanilang digital-owned assets, habang ang e-poster format ng BIDA ad ay ipo-post sa 250 mall directories na makikita ng 4 na milyong mall goers araw-araw.
Ang screening ay dinaluhan ng mga opisyal at kinatawan mula sa DILG, SM Prime Holdings, Philippine Drug Enforcement Agency, Dangerous Drugs Board, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Justice, Department of Finance, Philippine Overseas Employment Administration, Commission on Higher Education, at Mandaluyong City pamahalaan. VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA