(Milyong turista inaasahan) NUMBER CODING SUSPENDIDO SA CHINESE NEW YEAR

SUSPENDIDO  ang number coding sa buong Metro Manila ngayong Biyernes, Pebrero 9 bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Chinese New year, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang deklaradong special holiday naman ng Malacañang ang araw na ito hanggang Sabado sa bisa na rin ng Proclamation No. 453.

Ang Chinese New year ngayong taon ay natapat sa araw ng Sabado, Pebrero 10 subalit idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang araw ng Pebrero 9 bilang special non-working day sa bansa para sa selebrasyon ng naturang holiday na inaasahang dadagsain ng milyong katao ang area ng Manila China Town.

Pinapurihan naman ng malaking grupo ng mga mangangalakal, at Filipino Chinese businessmen ang visionary move ng Pangulo sa pagdedeklara ng February 9, 2024 na isang Special Non-Working Holiday sa selebrasyon ng Chinese Lunar New Year.

Ayon sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII); “ this strategic move carries multifaceted benefits for the Philippines, encompassing economic, diplomatic, tourism, and cultural dimensions.”

Inihayag pa ni FFCCCII President Dr. Cecilio K. Pedro, kinikilala naming mga negosyante ang positive economic impact ng naging kapasyahan ni Pangulong Marcos dahil nagbubukas ito ng daan para maka -attract ng Chinese at mga Asian tourists na bumisita sa Pilipinas “ capitalizing on China and East Asia’s robust tourism markets.”

“Ang turismo, isang mahalagang sektor at may malawak na potensyal para sa paglago ng ekonomiya, at may malaking pakinabang.

Inaasahang mag aambag ito sa pagpapalago ng turismo, aakit ng mga turista na lilikha ng trabaho, mga promosyon sa pamumuhunan at kaunlaran ng ekonomiya,” ayon pa sa grupo ng mga negosyante.

Bukod dito, ang pagkilala sa Chinese Lunar New Year bilang isang opisyal na pambansang holiday ay sumisimbolo sa pangako ng Pilipinas na pagkakaisa sa likod ng magkakaibang kultura, idinagdag ng Chinoy business group.
VERLIN RUIZ