MINAHANG BAYAN LAW PINAAAMYENDAHAN

KAILANGANG amyendahan ang batas na sumasaklaw sa small-scale miners upang matiyak na nakatatanggap ang pamahalaan ng ‘fair share’ mula sa kanilang output, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na maraming probisyon na nararapat na amyendahan sa ilalim ng Republic Act 7076, o ang People’s Small-Scale Mining Act of 1991.

“For example is processing. There are things that they (small-scale miners) find it hard to comply with such as mineral processing,” wika ni Cimatu sa sidelines ng 65th Annual National Mine Safety Environment Conference na idinaos sa Baguio City kamakailan.

“Another thing is that they have to sell their gold to the government, which they are not doing. They also have to pay taxes, which they do not do as  well,” dagdag ni Cimatu.

Sa ilalim ng RA 7076, ang lahat ng gold na napoprodyus ng small-scale miners sa idineklarang Minahang Bayan areas ay dapat ibenta sa Central Bank, na mabibili sa presyong kumpetitibo sa umiiral na world market prices.

“[The amendments are needed] because the law has not been implemented properly,” ani Cimatu.

Sa kabila ng isinasagawang pagrepaso ng DENR sa batas, isusulong pa rin nito ang pagdedeklara ng dalawang bagong Minahang Bayan areas sa pagtatapos ng taon.  JASPER ARCALAS

Comments are closed.