(Minaliit ng BSP) ECONOMIC IMPACT NG OMICRON

Benjamin Diokno

HINDI nababahala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa posibleng epekto sa ekonomiya ng bagong tuklas na Omicron coronavirus variant.

“We’re not so concerned with the new variant. I think there’s too much exaggeration on the impact of that,” wika ni BSP Governor Benjamin Diokno sa kanyang virtual briefing nitong Huwebes.

Sumadsad ang global markets sa kaagahan ng linggo sa gitna ng pinakahuling balita sa variant, partikular ang naging pahayag ng American pharmaceutical firm Moderna na mahihirapan ang mga kasalukuyang bakuna na labanan ito.

Hindi rin nakaligtas ang Philippine stock market, kung saan bumulusok ang shares below 7,000 makalipas ang halos dalawang buwan noong Miyerkoles.

“I think the best thing to do really for the Philippines is vaccinate, vaccinate, vaccinate,” pagbibigay-diin ni Diokno.  “And we have sufficient vaccines available.”

Tiniyak din niya na pananatilihin ng central bank ang accommodative policy stance “hanggang kailangan ng national government.”

Ang accommodative monetary policy ay patungkol sa  hakbang ng BSP na dagdagan ang money supply para mapalakas ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapababa sa interest rates.

Pinanatili ng central bank ang interest rates sa record lows sa walong sunod na buwan sa layuning mapasigla ang economic activity sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang interest rates o monetary policy rates ang kasangkapang ginagamit ng central banks para impluwensiyahan ang money supply na nagpapatakbo sa ekonomiya.