(Minamadali na ng DA) BAYAD-PINSALA SA ASF-HIT HOG RAISERS

baboy

TARGET na matapos na ang pamamahagi ng bayad-pinsala sa mga  hog raiser na naapektuhan ng African swine fever (ASF) bago matapos ang taon, ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Regional Field Office 1 ang kabuuang P28.5 million sa 874 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Tagudin sa Ilocos Sur at Sudipen sa La Union.

Ayon kay Dr. Annie Bares, chief ng Regulatory Division ng DA-Regional Office 1, mula sa kabuuang  P229 million na ni-request para bayaran ang mga hog raiser, nasa P44.5 million pa ang ipamamahagi sa 1,372 magsasaka mula sa mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

Aniya, bilang pagtalima sa direktiba ni DA Secretary William Dar na ipamahagi ang pondo sa lalong madaling panahon, pinabilis ng DA-RFO 1 team ang distribusyon sa mga benepisyaryo na tatanggap ng P5,000 para sa bawat kinatay na baboy.

Ang naturang halaga ay bahagi pa rin ng Quick Response at contingency funds na inilaan para bayaran ang mga nawala mula 2019 hanggang June 2021 dahil sa deaths at preventive culling para mapigilan ang pagkalat pa ng ASF.

Noong July, ang pagbabayad ng indemnification ay inilipat sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Sa mga susunod na linggo, nasa P7.045 million ang ipagkakaloob sa 221 hog raisers sa Ilocos Sur, P19.285 million para sa 631 raisers sa La Union, at P18.190 million para sa 520 magsasaka sa Pangasinan.