MINDANAO RAILWAY PHASE 1 APRUB NA SA NEDA BOARD

MINDANAO RAILWAY PHASE 1

APRUBADO na sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang Mindanao Railway Project Phase 1.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang pag-apruba sa Tagum-Davao segment ng proyekto ay ginawa ng NEDA Board na pinamumunuan ni Presidente Rodrigo Duterte sa kanilang pagpupulong noong Nobyembre 29.

Kinumpirma nito ang naunang pag-apruba sa Mindanao Railway Project Phase 1 ng NEDA Investment Coordination Committee – Cabinet Committee (ICC-CabCom) noong Hulyo  10 at Setyembre 27.

Ang P81.686-billion project ay popondohan ng official development assistance (ODA) mula sa China.

Sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Communications Goddess Libiran na ang groundbreaking ay planong isagawa sa first quarter ng 2020.

Sa naging hakbang ng NEDA Board ay sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na malapit nang magkaroon ng katuparan ang railway project.

“This builds on the dream of President Rodrigo Duterte to generate development in Mindanao through an efficient rail system that will not only move people throughout the island of Mindanao, but will also generate needed economic growth,” ani Tugade.

Ang Tagum-Davao-Digos line ng proyekto ang first phase ng panukalang 830-kilometer loop.

Layunin nitong magtayo ng isang 74-kilometer at-grade at 26-kilometer elevated viaduct commuter railway mula Tagum City sa Davao del Norte hanggang Digos City sa Davao del Sur.

Ang Phase 1 ay kabibilangan ng walong stations na matatagpuan sa Tagum, Carmen, Panabo, Mudiang, Davao, Toril, Sta. Cruz, at Digos.

“The first phase is designed to accommodate around 130,000 passengers per day in its first year of full operations,” ayon sa DOTr.

Sa sandaling maging fully operational, ang biyahe mula Tagum City hanggang Digos City ay mapabibilis sa 1.3 oras mula 3.5 oras.

Ang partial operations ay inaasahang isasagawa sa second quarter ng 2022 para sa Tagum-Davao line,  habang ang full operations para sa Tagum-Davao-Digos line ay sa fourth quarter ng 2022. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.