MINDANAO SERIES UNANG TORNEO NG SLP

TULOY ang arangkada ng Swim League Philippines (SLP) sa grassroots development.

Ipinahayag ni SLP president Fred Ancheta nitong Huwebes ang nakatakdang programa at torneo para sa unang kalahati ng taon kabilang ang pre-qualifying selection para sa mga miyembro ng bubuuing Philippine Team na ipadadala sa dalawang internasyonal na kompetisyon.

Sinabi ni Ancheta na magkakaroon ng pagkakataon ang mga batang manlalangoy mula sa Mindanao na ipakita ang kanilang mga talento sa pagdaraos ng Mindanao Swim Series 1-Davao Del Sur Cup sa Enero 14-15 sa Davao del Sur Sports Complex, Brgy. Matti, Digos City.

Aniya, ang dalawang araw na torneo ay isang pre-qualifying selection para sa darating na Middle East Open sa Dubai sa Hulyo, gayundin ang paghahanda para sa bagong tungkulin ng SLP na bumuo ng isang koponan na isasabak sa Asian Open School Invitational sa Bangkok at sa Universiade Games.

“Pinahahalagahan natin ang ating Mindanao swimmers. Ito ang magpapatunay na hindi sila kailanman nakakalimutan at napapabayaan ng SLP,” ani Ancheta.

“Ginawa natin na lumapit tayo sa ating mga kapatid sa Mindanao para hindi na rin sila gumasta nang malaki kung magpupunta pa sila sa Manila para makasali sa pre-qualifying event para sa ating international team. Ganito rin ang gagawin namin sa mga kasama natin na nasa Visayas,” aniya.

Sinabi ng SLP chief na ang mga torneo ay bukas sa lahat ng manlalangoy at swimming club at organisasyon anuman ang kanilang kinaaaniban bilang tunay na pagpapahalaga ng SLP sa grassroots development sa pamamagitan ng pagkakaisa.

“Lahat puwedeng sumali. Kahit anong swimming club or organization ang affiliations, walang maiiwan. Ang purpose natin ay sports development kaya tayong magkaisa at hindi magkawatak-watak,” ayon kay Ancheta.

“Mangyaring sumali at makakuha ng pagkakataong maging bahagi ng Team Philippines. Inilalapit namin sa inyo ang pagkakataong iyon.”

Ang mga interesadong manlalangoy at club ay maaaring magpadala ng mga entry sa [email protected] o tumawag kay Rolly Dela Cruz (0905-8479233 at 0919-5772982) at SLP (0917-714-0077).

Bukod sa Davao Del Sur Cup, magho-host ang SLP ng Manila Swim Series 1 sa Enero 20-21 sa Philippine Columbian Association (PCA) sa Paco, Manila; Road to Universiade meet sa Antipolo City at Bataan Swim Sub sa Abucay, Bataan na magkasabay na gagawin sa Enero 28.

Para sa kumpletong line-up ng mga torneo, bisitahin ang opisyal na facebook page ng SLP.

EDWIN ROLLON