NAKAPAGBENTA ng P241,110 ang Mini-Agraryo Trade Fair ng agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa loob ng apat araw na isinagawa ito noong Agosto 6 hanggang 9 sa Tacloban City.
Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Eastern Visayas Regional Director Robert Anthony Yu, itinampok sa naturang Mini-Agraryo Trade Fair ang iba’t ibang produkto mula sa ARBOs sa buong Eastern Visayas.
Sinabi ni Yu na malawak na hanay ng mga produkto mula sa sariwang prutas, gulay, at itlog hanggang sa mga prosesong pagkain at handicrafts ang matagumpay na naibenta ng mga magsasaka direkta sa mga mamimili.
Ang booth na kumakatawan sa lalawigan ng Leyte ang nagtala ng pinakamataas na benta na P73,648.00, na sinundan ng Western Samar na may kabuuang benta na P43,322.
Ang iba pang mga lalawigan ay nakapagtala rin ng makabuluhang benta: Northern Samar na may P36,210.00, Eastern Samar na may P33,075.00, Southern Leyte na may P30,970.00, at Biliran na may P23,885.00.
Ayon kay Ronelo Jose Zamora, hepe ng Program Beneficiaries Development Division, kabilang sa mga pinakapatok na produkto ang mga sariwang prutas at gulay, root crops, itlog, gayundin ang mga processed goods tulad ng banana at camote chips, bokarilyo, igot wine, chicharukog, kape, tsokolate, pili products, labtingaw, suman taro chips, at calamansi juice.
Ang Mini-Agraryo Trade Fair ay isa sa mga pangunahing aktibidad sa pagdiriwang ng ika-36 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa rehiyon, na naglalayong tulungan ang ARBOs at agrarian reform beneficiaries (ARBs) na i-promote ang kanilang mga produkto at mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo.
Hinihikayat ng mga opisyal ng DAR ang ARBs at ARBOs na pumasok pa sa mga aktibidad pangkabuhayan bukod sa pagsasaka upang magkaroon ng karagdagang kita.
Sa ngayon, 361 ARBOs sa 757 DAR-assisted ARBOs sa rehiyon ang matagumpay na nagpapatakbo ng mga negosyo.
Bukod dito, siyam na ARBOs ang nabigyan ng license to operate, habang apat na produkto ng ARBOs ang nakatanggap ng Certificate of Product Registration mula sa Food and Drug Administration, na nagbibigay-daan para sa mas malawak na merkado. Ma.Luisa Macabuhay-Garcia