MINIMAL PRICE HIKE SA NOCHE BUENA MEAT PRODUCTS

ASAHAN na ang price hike sa Noche Buena meat products kasunod ng pagtaas ng production cost ng meat processors ng 15% hanggang 20%.

Gayunman, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Mary Jean Pacheco na magkakaroon lamang ng  minimal  price increase sa nalalapit na holiday season.

“Sabi ng meat processors na ang itinaas daw ng kanilang production cost is 15-20%. Pero dahil daw gusto naman nila na ang Pilipino maging masaya, mababa lang po… parang 0-4% ‘yung [itinaas ng] some of the meat products, very minimal,” pahayag ni Pacheco sa isang public briefing.

Ayon kay Pacheco, base sa monitoring ng DTI sa Noche Buena items, hindi lahat ng produkto, partikular ang ham, ay nagtaas ng presyo.

“Alam po ninyo napakadami ng klase ng hamon, parang 30 yata, so napakadaming klase ng hamon. Hindi po lahat ng hamon ay tumaas, based po sa aming pag-monitor,” aniya.

“So, ano po iyong payo natin? Mamili po tayo ng naayon sa budget natin at sa panlasa natin.”