NANAWAGAN ang isang labor organization sa Duterte administration na gawing pantay lamang ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), pare-pareho naman ang kahirapang nararanasan ng mga mamamayan sa Luzon maging sa Visayas at Mindanao kaya dapat ay pantay-pantay ang natatanggap na sahod ng mga manggagawa.
Giit pa ng ALU-TUCP, panahon na para mag-isyu si Presidente Rodrigo Duterte ng isang executive order na lilikha ng isang tanggapan na mamamahala sa pag-standardize ng minimum wage rates sa buong bansa.
“Dapat po i-abolish na ho muna natin lahat ng wage boards at magtayo na lang ng isang uniform na sahod sa buong bansa,” ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.
Sa kasalukuyang set-up, itinatakda ang minimum wage sa 17 regional wage boards base sa geography. Para sa non-agricultural workers, pinakamataas dito ang nasa Metro Manila na nasa P512 kada araw, pinakamababa naman sa Ilocos region na nasa P280 ang arawang sahod.
“We should abolish all wage boards and set a uniform minimum wage for the entire country,” ayon sa grupo.
“Iyong kahirapan dito sa Luzon ay kapareho rin sa kahirapan sa Visayas at Mindanao,” paliwanag ni Tanjusay.
Alam din ng grupo na ang pag-abolish sa regional wage boards sa pamamagitan ng batas ay maaaring tumagal ng ilang taon kaya hiniling na nila ito kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon pa.
Dahil sa nararanasang mataas na inflation rate at lumolobong presyo ng bilihin sa kasalukuyan ay hiniling ng ALU-TUCP sa regional boards na mag-convene pansamantala at itaas ang minimum wage ng mga manggagawa para makaagapay sa mga gastusin. VERLIN RUIZ
Comments are closed.