MINING BAN SA NUEVA VIZCAYA

MINING BAN

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang nagbabawal sa pagmimina sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa ilalim ng House Bill 8951 ay idinideklara ang Nueva Vizcaya bilang mining-free zone kaya anumang uri ng mining operations o aktibidad ay mahigpit na ipagbabawal dito.

Gayunman ay exempted dito ang mga umiiral na valid contracts, exploration, permits, licenses, technical agreements at mineral production na nasa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995 kung saan papayagan pa ang pagmimina hanggang sa mag-expire o ma-terminate na ito.

Kapag naisabatas ay hindi na mag-iisyu ng bagong exploration permits ang gobyerno o iba pang kasunduan sa lalawigan habang imo-monitor at rerepasuhin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga umiiral pang quarry permits na iginawad ng provincial government.

Kakanselahin naman ang small-scale mining contracts kapag naging epektibo na ang batas at bibigyan ng isang taon ang mga contractor para magsagawa ng rehabilitasyon, reforestation at regeneration sa mga mineralized area.

Ang sinumang lalabag dito ay makukulong ng mula anim na buwan hanggang 12 taon at pagmumultahin ng hindi bababa sa P10 milyon.  CONDE BATAC

Comments are closed.