PINAPAYAGAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga menor de edad at ibang kasama sa vulnerable population gaya ng mga buntis na sumakay ng public utility vehicles (PUV) sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2, simula nitong Lunes, Nobyembre 15.
Batay sa Memorandum Circular no. 2021-065, sinabi ng LTFRB na kabilang sa mga maaari nang sumakay ng mga PUV ang mga pasaherong 18-taong gulang at may kasamang tagapangalaga gayundin ang mga pasaherong 65-taong gulang pataas, buntis, may immunodeficiencies, comorbidities, at iba pang health risks.
Bukod dito, tiniyak din ng LTFRB na patuloy ang istriktong pagpapatupad ng mga sumusunod na “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon na ayon sa rekomendasyon ng mga health experts.
Kabilang sa naturang ‘7 Commandments’ ay ang 1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na bebntilasyon sa mga PUV; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at 7) Sundin ang wastong physical distancing guidelines.
Istrikto rin namang ipinatutupad ng LTFRB ang 70% passenger capacity load sa mga Traditional at Modern Public Utility Jeepneys (PUJ), Public Utility Bus (PUB), at UV Express sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Anang LTFRB, maaari namang pumasada ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.
Kinakailangan din umanong nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang binuksan ng LTFRB.
Mahigpit din naman ang paalala ng LTFRB sa mga operator ng mga PUV na sundin ang mga patakaran ng ahensya.
Babala pa nito, ang sinumang mahuli na lumabag sa mga alituntunin ng LTFRB ay papatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagmumulta at pagkatanggal ng kanilang ng CPC o PA.
Maaari naman umanong matanggalan ng lisensiya ang mga PUV driver na lalabag sa mga alituntunin ng LTFRB. EVELYN GARCIA