MINORS SA DROGA LUMOLOBO

DG-Aaron-Aquino 

NABABAHALA ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agen¬cy (PDEA) sa lumolobong bilang ng mga menor de edad na nasasangkot sa illegal drug trade sa bansa, kung saan may 2,111 na kabataan ang nakatala sa kanilang data base.

Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, mula 2011 hangang Hunyo 15 ng taong ito ay may-roong ng 2,111 menor na may edad na 6 hangang 17 taon ang naaresto at na-rescue dahil sa paglabag sa anti-drug law.

Sa nasabing bilang,  959 o 45.43 porsiyento ng menor de edad na nasagip ay mga pusher, habang nasa 725 o 34.34 percent ay drug possessors, samantalang 277 o 13.12 porsiyento naman  ay mga drug user at ang natitirang 111 o 5.26 percent sa mga ito ay suki ng mga drug den.

Dahil dito,  mas pinaigting ng PDEA ang pagmo-monitor sa mga drug personality na gumagamit ng mga menor de edad sa kanilang drug trafficking activities.

Paliwanag ni Aquino, lubhang sinamantala  ng mga sindikato ang Section 6 ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na nagsasabing exempted ang mga menor de edad o bata mula sa criminal liabilities.

Ayon kay Aquino, laganap ang paggamit sa mga menor de edad bilang runners at couriers sa bentahan ng ilegal na droga.

Gayunpaman, ani Aquino, kahit minor offenders ay pananagutin pa rin sa batas ang mga masasangkot sa ilegal na droga kung mapatunayan ng korte na alam nila at naiintindihan ang kanilang ginawang krimen.

Aniya, ang pagkakalantad ng mga bata sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay isang uri ng child abuse.

Sa kabila ng matinding pagtutol ng iba’t ibang sektor, itinuloy ng PDEA ang mandatory drug testing para sa mga high school at college students sa mga pampubliko at pribadong paaralan para malaman ang bilang ng mga drug user na mga estudyante.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.