MINSAN MABUTI PANG MANAHIMIK

Minsan mabuti pang manahimik
Kung nasa gitna ng iyong galit
At hindi mo nga alam kung bakit
May asoge ka sa iyong puwit.

Di na dapat ang bibig ibuka
Lalo na kung alanganin ka pa.
Kung saan ang lahat nag-umpisa
O kung ano ang buong istorya.

Bakit ka pa nga magbubunganga
Sa mga nilalang na mahina
Ngunit sa harap ay nagkukunwang
May kalakasang kahanga-hanga?

Anong dahilan para pumutak
Nang pumutak kung di ka nanganak?
Baka ito na ang wastong oras
Para tenga ay gawing malapad.

Dinggin ang tuksong magbigay-linaw
At liwanag sa banal na bagay
O magbingi-bingihan na lamang
Sa birong tungkol sa kasalanan.

Baka ikaw pa, sa bandang huli,
Ang pagbuntunan ng mga sisi
Dahil sa iyong pinagsasabi
Nang di mo ginamit ang kokote.

Ito ang sandaling ang damdamin
Ay nangibabaw sa diwa natin.
At hindi natin maamin-amin
Ang katotohanan sa salamin.

Sa isang iglap ay maguguho
Lahat ng tulay mong itinayo.
Pagkat di mo agad napagtantong
Pader pala ang iyong nabuo.