MINSAN may isang beat reporter na naibulalas na walang nangyayari kaya wala siyang nai-file na istorya. Isang mortal sin ito sa larangan ng pamamahayag. Naulinigan ito ng yumaong batikang journalist na si Joe L. Pavia, o JLP, at sa termino namin noon ay nabembang nang katakot-takot ang nasabing reporter.
Para sa isang mamamahayag na katulad ni JLP ay walang imposible sa larangan ng journalism. Minsan naikuwento niya ang isang batikan ding komentarista na si Ruther Batuigas na nagsilbi sa kanya bilang photo-journalist noong nagsisimula pa lamang si Batuigas sa industriya.
Binigyan ni JLP ng assignment si Ruther na i-cover ang opening ng Lagusnilad sa siyudad ng Maynila. Doon pa lamang sa sim-pleng assignment na iyon, napatunayan ni Ruther na may kakaiba siyang abilidad sa pag-cover ng isang event.
Kinabukasan kasi, ang litrato ni Ruther ang pinaka-kakaiba sa lahat. Bakit kakaiba? Lahat ng kuha ng ibang photographer ay nasa eye-level lamang, ngunit ang kuha ni Ruther ay bird’s eyeview at nakaumang na kitang-kita ang lagusan ng Lagusnilad mula sa angkop na lebel ng taas. Paano nagawa ni Ruther ito? Ang siste, humiram ng isang fire-truck ang noon ay pasibol pa lamang na journalist at gamit ang ladder ng naturang sasakyan ay nakakuha siya ng magandang anggulo na orihinal at walang katulad.
Maraming journalists ang dumaan sa inspiradong pagtuturo ni JLP, at masuwerteng isa na ako roon. Ayaw ni JLP ng istorya o li-trato na katulad ng lumalabas sa ibang diyaryo. Dahil feature writer ako noon, nakatulong nang malaki ang mga inspiradong kaal-aman na ipinamamahagi ni JLP sa amin noon.
Ilan sa pinakamagagaling na photographer na dumaan kay JLP ay sina Allan Penaredondo at Rene Dilan. Mga pawang one-man army ang diskarte ng mga iyan.
Bago pa lamang ang internet noong dekada 90, kung patakbuhin ni JLP ang newsroom namin noon ay parang control center ng Startrek. Technology-driven ang aming operation at ang lahat ay may kakaibang kontribusyon sa pangangalap at pagkikinis ng mga materyales na aming ginagamit at ipinamamahagi sa aming mga subscriber sa bansa at ibayong dagat araw-araw.
Kailangan ng Philippine media na maalala at maitalaga sa kanyang kasaysayan ang mga katulad ni JLP, na nararapat lamang na idolohin at gawing ehemplo para sa ikatataas pa ng kalidad at integridad ng pamamahayag sa bansa.
Comments are closed.