Nenet L. Villafania
Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, kasama sa sinusunod na tradisyon ng mga Pilipino ang Misa de Gallo o Simbang Gabi. Misa de Gallo, dahil ginaganap ito dakong 4:30 ng umaga, kung saan nagsisimula nang tumilaok ang mga tandang.
Siyam na araw ang nasabing misa, na nagsisimula sa December 16 at nagtatapos sa hatinggabi ng December 24, kasabay sa pag-alala at pagdiriwang sa pagsilang ng Dakilang Manunubos na si Jesucristo. Ito ang pagkakataon para sama-samang makapagsimba ang buong pamilya sa loob ng siyam na araw.
Sa mismong araw ng Pasko, maghihintay sila sa mga mamamaskong inaanak hanggang hapon, at pagkatapos ay mamamasyal ang buong pamilya sa mga lugar na mapipili ng mga bata. Bata kasi ang bida kapag Pasko, hindi ba?
Kasama sa tradisyon ng misa de gallo ang pagbili at pagkain ng puto bumbong at bibingka pagkatapos ng misa. May mainit na tsaa rin, na totoong napakasarap. Mahirap mang gumising sa madaling araw, mapipilitan ka na rin kapag naamoy mo ang masarap na puto bumbong at bibingka sa tapat ng simbahan.
Hindi lamang pampamilya ang misa de gallo. Sa totoo lang, sinasamantala ito ng mga kabataan para makipag-bonding sa kanilang mga kaibigan. Nagtatagpo sila sa isang lugar upag sabay-sabay na makapakinig ng misa at kumain ng puto bumbong at bibingka.
Pero dahil maraming nagtatrabaho ang hindi makadalo sa misa de gallo, ang Simbahan na ang nag-adjust para sa kanila – kaya nauso ang anticipated misa de gallo. Siguro, hindi na misa de gallo ang dapat itawag dito kundi Simbang gabi na lamang, dahil talagang sa gabi ito ginagawa, na kadalasan ay 7:00 o 8:00 pm, para sa convenience ng mga mananampalatayang nagtatrabaho hanggang 6:00 pm. Mahirap kasing magtrabaho ng inaantok dahil kulang sa tulog. Kapag magsisimba ka ng 4:30 am, kailangan mong gumising ng 3:30 am para ihanda ang iyong sarili.
Hindi lamang mga Katoliko ang nagsasagawa ng misa de gallo. Ilang protestanteng sekta na ang aming nakapanayam, at napag-alaman naming sila man ay may sariling bersyon ng Simbang Gabi. Ginagawa nila ito bilang pagsalubong at pagsasaya sa pagsilang ni Jesus sa isang sabsaban sa Betlehem. Sabi nga sa Biblia, si Jesus ang daan at katotohanan. Sino man ang naniniwala sa kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. May Pasko dahil kay Jesus.
Iilan lamang ang mga relihiyong hindi nagdiriwang ng Pasko, at sila iyong naniniwalang si Jesus ay hindi Diyos kundi isang propeta lamang na tulad nina Elias, Moises at iba pa. Ngunit karamihan sa mga Filipino ay Katoliko at kung hindi man, ay Kristiyano. Lahat ng Kristiyano ay naniniwalang si Jesus ay tunay na Diyos at siyang tanging daan upang makarating sa langit, kaya nananatili pa rin ang tradisyon ng misa de gallo, Katoliko man o Protestante.
Ngayong Kapaskuhan, milyon-milyong tinig ang humihiling sa Diyos na sana ay pagbigyan. Ngunit lagi sanang tatandaang “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang iyong hiling ay pagbibigyan sa tamang panahon, at sa tamang pagkakataon. Kung hindi man masagot ang iyong kahilingan ngayong taong ito, huwag magsawang tumawag sa kanya, dahil naririnig ka niya. Mahal ng Diyos ang kanyang mga anak, at hindi niya tayo ilalagay sa masama o pababayaan man.