NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang mga pinuno ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan upang ikonsidera bilang pangunahing pangangailangan ng mga mananampalataya ang pagdalo sa misa sa mga parokya.
Ang pahayag ay ginawa ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, kaugnay ng paglilinaw ng Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi pa pinapayagan ang pagbubukas ng mga simbahan at mapakapagdiwang ng misa sa mga lugar na nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ).
“No, the church is not quiet. The church is doing her thing through our leaders in the proper way. Nakikipag-ugnayan po ang CBCP sa IATF para ma-rekonsidera ang mga public celebration ng sakramento sa mga simbahan natin in the general community quarantine,” ayon kay Fr. Secillano sa kaniyang programang Veritasan.
Ang kahilingan ay para sa mga simbahang nasasakop sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ o ang pag-iral ng mas maluwag na panuntunan tulad ng paglabas ng mga residente sa kanilang tahanan at ilang negosyo na nagsimula ngayong Mayo.
Una na ring nagpalabas ng circular ang Diocese of Borongan at Archdiocese of Caceres na kapwa nasasakop sa GCQ- hinggil sa muling pagpapaliban ng mga misa sa mga parokya kaugnay na rin sa kautusan ng IATF.
Giit ni Secillano, patuloy na nakikipag-usap ang simbahan sa mga kinauukulan para na rin sa pangangailangang espiritwal ng mananampalatayang nasasabik na sa pagtanggap ng eukaristiya.
Tinitiyak naman ng pari na ang simbahan ay sumusuporta at tumatalima sa panuntunan ng gobyerno para sa kaligtasan ng mamamayan.
Giit pa ng pari, hindi nagkulang ang Simbahang Katolika para pangalagaan ang mga mananampalataya sa banta ng coronavirua disease 2019 (COVID-19).
“I would like to emphasize that the church has been compliant, the church is obedient, the church supports. Ito pong ipinatutupad sa atin patungkol sa protocol, sa quarantine at iba pang safeguards. Pangalawa, the church- may kapabilidad po ‘yan na ipatupad din po sa kaniyang mananampalataya ang mga quarantines at guidelines,” aniya pa.
Matatandaang bago pa man ang lockdown ay una na ring nagpalabas ng panuntunan ang CBCP na base na rin sa mungkahi ng mga eksperto kabilang na ang Department of Health.
Kabilang na rito ang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng kamay, hindi paghahawak ng kamay sa pag-awit ng ‘Ama Namin’ gayundin ang pagtungo na lamang ulo sa pagbati ng kapayapaan.
Dagdag pa rito ang pagsunod ng simbahan sa pagpapaliban ng pampublikong misa maging ang mga pagdiriwang ng simbahan ng malaki-hang pagtitipon noong panahon ng Kwaresma at Mahal na Araw.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na isinasagawa ang lahat ng misa ng walang pagdalo ng kongreso at sa halip ito ay mapapanood at mapapakinggan lamang sa pamamagitan ng radio, telebisyon at maging sa social media. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.