NAGPASIYA ang mga obispo sa Metro Manila na palawigin pa ang ipinatutupad nilang suspensiyon sa mga banal na misa sa mga simbahan hanggang sa susunod na buwan o hanggang sa buong panahon ng ipinaiiral na community quarantine ng pamahalaan sa Kamaynilaan, dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa tatlong pahinang pastoral statement ng mga obispo nitong Marso 16, sususpindihin muna ang mga misa hanggang Abril 14, bilang pagtalima sa kautusan ng gobyerno na suspindihin ang mga malalaking pagtitipon sa panahon ng isang buwang community quarantine, na sinimulan nitong Linggo, Marso 15.
Bukod sa mga Holy Mass, apektado rin nito ang religious activities sa Mahal na Araw, na tradisyon nang dinadaluhan ng mga Katoliko.
Ang mga binyag, confirmations, at kasal naman na nakaiskedyul sa nabanggit na mga petsa, na hindi na maipagpapaliban ay maaari naman umanong ituloy, ngunit dapat na may ipatutupad na restriksiyon, gaya ng social distancing.
Dahil naman pasok sa panahon ng community quarantine sa Metro Manila ang huling tatlong Sundays of Lent, at Holy Week, ang mga liturgical celebrations sa naturang mga araw, kabilang na ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas, iba pang araw ng Semana Santa, partikular na ang Huwebes Santo, Biyernes Santo at Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay, ay hindi na bukas para sa publiko.
Suspindido rin muna ang public blessing ng Palaspas, Visita Iglesia, Siete Palabras, Good Friday procession at maging ang Easter Salubong.
Kaugnay nito, patuloy namang hinihimok ang mga Katoliko na manatili sa bahay at sundan ang naturang mga aktibidad sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, o online.
Samantala, binanggit din sa pastoral statement na ang isang buwang community quarantine ay makaaapekto sa mga mahihirap at mga manggagawa.
Dahil dito, inatasan ng mga obispo ang mga parokya at simbahan na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) sa kanilang lugar upang matulungan ang mga matatamaan ng community quarantine, at mabigyan ng donasyon ang mga mahihirap at mga may sakit.
Ang mga kampana naman ng mga simbahan ay patutunugin tuwing alas-12 ng tanghali at alas-8 ng gabi para ipanawagan ang pagdarasal ng Oratio Imperata at Angelus sa tanghali, at family rosary naman sa gabi.
“Our present situation is very fluid. For the moment these are our common actions in our dioceses. Other developments and subsequent instructions may come in the future. Let as all be vigilant. We offer to the Lord the difficulties and uncertainties that confront us in the spirit of Lent, which is the spirit of fervent prayer, penance and generosity. We are assured of Easter. Life will overcome death. This virus will pass us by. We say with St. Paul: “We even boast of our afflictions, knowing that affliction produces endurance, and endurance, proven character, and proven character, hope, and hope does not disappoint, because the love of God has been poured out into our hearts” (Rom. 5:3-5),” bahagi pa ng pastoral statement. “Let us entrust ourselves to the maternal care of Mary, Mother of the Afflicted.”
Ang naturang pastoral statement ay nilagdaan nina Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Antipolo Bishop Francisco de Leon, Novaliches Bishop Roberto Gaa, Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, Pasig Biship Mylo Hubert Vergara, Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Florencio, Parañaque Bishop Jesse Mercado, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, at Malolos Bishop Dennis Villarojo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.