MISAMIS OCCIDENTAL MUNTIK NANG MAGING DRUG AT CRIME CAPITAL

MUNTIK na raw palang maging ‘drug at organized crime capital’ ng Mindanao ang Misamis Occidental.

Ayon kay Gov. Henry Oaminal, kung hindi napalakas ang peace and order initiatives sa lalawigan ay baka naging lungga na ng mga durugista at kriminal ang kanilang lugar.

Sinasabing bukod sa banta ng karahasan at krimen dahil sa Kuratong Baleleng Gang, may mga pagkakataon raw pala noon na nagkakaroon ng sagupaan dahil sa presensiya ng mga rebelde at terorista.

Kaya ipinagmalaki ng gobernador ang mga inisyatibo sa peace and order na siyang bumago rito.

Ang Misamis Occidental na raw ngayon ang isa sa mga nangungunang probinsya sa Northern Mindanao pagdating sa kaunlaran. Aniya, nakamit nila ang milestones ng pag-unlad ng lalawigan sa loob ng isang dekada lamang sa usapin ng imprastraktura, trabaho, at ekonomiya.

Hindi naman daw ito mangyayari kung hindi dahil sa kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan o LGUs sa mga inisyatibo sa pagpapatibay ng law enforcement efforts, at pati na rin sa polisiya ng administrasyon.

Dahil sa mga inisyatibo, aba’y malaya nang nakalalabas ang mga Misamisnon nang walang takot sa mga masasamang elemento.

Natutupad din ang isa sa mga pundasyon ng platapormang 5M ni Oaminal—ang “Misamisnon Magpuyong Malinawon Malambuonug Malipayon,” o “Misamisnon Mabuhay ng Payapa, Maunlad, at Masaya.”

Ngayong nababantayan na raw ang kriminalidad sa probinsya, tuloy-tuloy na ang pagsulong Misamis Occidental.

Nagiging daan pa ito para mas marami pang negosyo ang itayo at dumarami ang mga oportunidad sa trabaho at gumaganda rin ang buhay ng mga taga-lalawigan.

Nakapagtala rin ang Misamis Occidental ng katangi-tanging pagbabago sa poverty incidence sa mga pamilya, mula sa pagiging isa sa mga mahihirap na lalawigan.

Kung titingnan naman ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa 32.7% poverty incidence noong 2018 ay sumadsad ito sa 23.3% noong 2021 habang naging 18.30% naman ito kamakailan.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!