CEBU- ISANG aktibong police officer ang nahaharap ngayon sa kasong parricide matapos pagbabarilin ang kanyang misis sa loob mismo ng City of Naga Police Station habang naghahain ng reklamo laban dito.
Kinilala ni Lt. Col. Junnel Caadlawon, hepe ng City of Naga Police Office ang ginang na si Heronia Mata, 39-anyos, isang guro.
Binaril umano ito ng ilang ulit ni Staff Sgt. Fernando Mata, residente ng Brgy. Tuyan, Naga sa loob mismo ng Women’s and Children Protection Desk Unit ( WCPD) habang naghahain ng kasong violence against women and children at Physical abuse laban sa kanya.
Sa inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-2:40 ng hapon araw ng Pasko ay dumating ang biktima sa naturang himpilan para ireklamo ang kanyang mister.
Nagalit umano ang pulis nang hilingin ng misis nito na sa labas ito makipag-usap sa kanyang kerida na nauwi sa pananakit ng mister sa biktima kaya nagsumbong at nagpasama sa kanyang kapatid na magtungo sa police station upang magsampa ng reklamo.
Sinasabing nasa WCPD na ang biktima at nagsasalaysay ng kanyang reklamo nang biglang dumating ang mister at paulit-uit na pinagbabaril ang biktima gamit ang kanyang service firearm.
Ayon pa sa ulat, nang maganap ang krimen ay tatlong tao lamang ang nasa loob ng tanggapan ng WCPD na nasa ikalawang palapag ng police station, ang biktima, suspek at WCPD staff na kaharap ng complainant habang nasa labas naman umano ang kapatid ng biktima.
Agad naman dinakip ng kanyang mga kasamahang pulis ang suspek habang nagawa pang itakbo ang asawa nito sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician. VERLIN RUIZ