MISIS NA SUMAKLOLO SA MISTER NABARIL

SORSOGON – KAMATAYAN ang sinapit ng isang ginang makaraang tangkaing awatin ang kaaway ng kanyang karelasyon sa  bayan ng Donsol.

Dead on arrival sa Bicol Regional Training Hospital ang biktimang si Sofima Pedragosa, 35-anyos ng barangay Central, bunsod ng tama ng bala sa likod.

Nag-ugat ang pagkasawi ni Pedragosa nang makipagtalo ang kanyang ka-live in na si Agosto Alim alyas Hugis, 50-anyos, kay Joseph Love-nario ng Barangay Gura.

Nang makita ni Pedragosa ang komosyon ng dalawa ay inawat ang dalawa, subalit huli na dahil namaril na si Lovenario kung saan tinamaan si Alim sa leeg  at kanang kamay.

Sa pagkabigla ay nabaril din ni Lovenario si Pedragosa sa likod na noo’y naghihisterya dahil sa sinapit ng karelasyon.

Makaraang mabaril ang dalawa, tumakbo sa isang gusali si Lovenario at doon ay tinangkang kitlin ang sarili sa pamamagitan ng pagbaril.

Sa pagresponde ng awtoridad ay isinugod ang tatlo sa ospital, su­balit namatay si Pedragosa habang inoobserbahan pa ang dalawa.

Nakuha sa pinangya­rihan ng pamamaril ang cal.38 na  baril na ginamit ni Lovenario, isang bala at limang basyo ng bala. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.