SULU-NADAKIP sa isinagawang law enforcement operation ng AFP-Joint task Force Sulu ang pangalawang asawa ni Abu Sayyaf sub-leader at bomb maker Mundi Sawadjaan Barangay Tulay sa Jolo nitong nakalipas na Linggo.
Kinilala ang hinihinalang bomber na Nursitta Mahalli Malud, alyas Kirsita Ismael na nagsisilbing finance officer ni Sawadjaan na reponsable rin sa procurement ng Improvised explosive device materials para sa grupo ng Abu Sayyaf.
Ayon sa Joint Task Force Sulu, armado ng search warrant for violation of RA 9516 on the illegal possession of explosives ay inaresto ng magkasanib puwersa ng 35th Infantry Batallion sa pamumuno ni Ltc Domingo S Robles Jr at 7th Special Action Battalion ng Special Action Force (SAF) ng PNP si Malud.
Nakumpiska ng pulisya ng mga pampasabog at sangkap sa paggawa ng bomba sa suspek kabilang ang 81mm mortar cartridge, detonation cord, blasting cap, isang 9-volt battery, at iba pang paraphernalia.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Jolo Police, ang suspek habang ang mga nakalap na ebidensiya ay ibinigay naman sa 9th Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit at Provincial Explosive and Canine Unit. VERLIN RUIZ